27 July 2025 | News by PISD

BASAHIN: Sa bawat unos na dumarating sa buhay ng mga karaniwang Pilipino, isang tanong ang laging lumulutang: “May darating kayang tulong?”
Para sa pamilya Galicia ng Brgy. Poblacion, Puerto Galera, ang sagot ay isang malinaw na “Oo.”
Mahigit 30-taon nang fish vendor si Nanay Georgina Galicia. Ang kanyang asawa, si Tatay Dante, bukod sa paglahok sa samahan ng mga mangingisda, ay nagsisilbi rin bilang Barangay Tanod, maituturing na isang tahimik na bayani sa kanilang pamayanan.
Ngunit sa kabila ng simpleng pamumuhay, ang kanilang pamilya ay hindi nakaligtas sa tindi ng hamon ng kalikasan. Mula sa baha, bagyo, at mga epekto ng pabago-bagong panahon, dumaan sila sa maraming hirap at pangamba. Ngunit ngayon, sila ay saksi sa tulong mula sa pamahalaang kumakalinga.
“Hindi man kami humingi, dumating ang tulong,” ani Nanay Georgina. “Ramdam naming hindi lang ito obligasyon, kundi malasakit.”
Ayon kay Tatay Dante, mula pa noong baha noong 2016, hindi sila iniwan ng kanilang Pamahalaang Bayan at ng Pamahalaang Panlalawigan. “Hindi lang kami binigyan ng bigas o de-lata, ang naibigay sa amin ay pag-asa,” sambit niya. “Kilala nga namin si Governor Dolor kahit nung SK pa siya, talagang matagal nang tumutulong. Gayundin, ang kapatid nya na Mayor dito noon.”
Isa pang tinig ng pasasalamat ay ipinaabot ni Nanay Jocelyn Mandy, 40 taong gulang, at may negosyong taho sa kanilang barangay. “Salamat sa tulong ng Kapitolyo”. Katulad ng marami sa kanyang ka-barangay, tumanggap rin siya ng relief goods, bitamina, at pangunahing gamot kontra-leptospirosis.
Para sa tatlong indibidwal na aming nakapanayam, ang tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ay hindi lang tungkol sa bigas, gamot, o canned goods. Ito ay pagpaparamdam na may gobyernong marunong kumalinga at marunong kumilos sa oras ng pangangailangan.
Ang munting tulong na natanggap nina Nanay Georgina, Tatay Dante at Nanay Jocelyn, katulad ng sa iba pang daan-daang apektadong pamilya ay bahagi ng inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro. Sa pamamagitan ng mga tanggapan tulad ng PSWDO, PDRRMO, at PHO, sinikap nila na bawat pamilyang lubhang naapektuhan ng baha ay makakatanggap ng pag-alalay, hindi lang bilang tungkulin, kundi bilang serbisyo ng pusong may malasakit.
Kagyat na naipaabot ang munting tulong sa pamamagitan nang maagap na pagkilos ng iba’t- ibang tanggapan, sa pangunguna ni PSWD Officer Zarah Magboo, PDRRM Officer Vinscent Gahol, PHO II Dr. Cielo Angela Ante, katuwang si SP Board Member Ryan Arago at mga lider ng Pamahaang Bayan ng Puerto Galera.