News by PISD – July 24, 2025

24 Hulyo 2025, Calapan City. Sa gitna ng walang humpay na pag-ulan dulot ng habagat na pinalalakas pa ng pinagsamang pwersa ng mga Bagyong Dante at Emong, patuloy ang masigasig na pagtugon at aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro bilang pagtalima sa kautusan ni PDRRMC Chairperson Governor Bonz Dolor, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), at iba pang mga ahensya sa lalawigan.
Ika-23 ng Hulyo, agad na binuksan ang Emergency Operations Center (EOC) bilang tugon sa lumalalang sitwasyon ng pagbaha, upang mabilis na maiparating ang kinakailangang tulong sa mga apektadong mamamayan.
Sa pangunguna ni PDRRM Officer Vinscent Gahol, at katuwang ang mga kasapi ng EOC layuning maitiyak ang maayos na daloy ng komunikasyon, operasyon, at paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan. Nakahanda na ang mga kagamitan, tauhan, at kinakailangang tulong at pag-alalay sa apektado ng baha. Nagpapatuloy na rin ang rescue operations sa mga kritikal na barangay, katuwang ang DRRM teams mula sa mga bayan at lungsod sa lalawigan.
Nakahanda na rin mula sa Provincial Health Office (PHO) ang mga kailangang gamot para sa mga karaniwang karamdaman kabilang na mga posibleng epekto sa kalusugan ng masamang panahon at tubig-baha.
Samantala, puspusan ang repacking ng relief goods ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) upang matiyak ang agarang distribusyon nito.
Katuwang sa gawain ang mga Army reservists, Philippine Coast Guard Station Oriental Mindoro gayundin ang ilang pribadong indibidwal na boluntaryong tumulong sa paghahanda ng mga relief goods. Layon ng inisyatibong ito na matiyak ang agarang pag-aabot ng tulong sa mga apektadong komunidad sa lalawigan.