News by PISD – July 22, 2025

Sa gitna ng makabuluhang pagdiriwang ng 51st Nutrition Month, binigyang-diin ni National Nutrition Council (NNC) MIMAROPA Coordinator Eileen Blanco na ang pagkain ay isang karapatang pantao at hindi dapat ituring na pribilehiyo lamang.
Ang mahalagang gawaing ito ay pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) bilang pakikiisa sa National Nutrition Council sa pagtaguyod ng temang:“Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat”
“Food is a human right, not a privilege. Lahat ay may karapatang mabuhay nang malusog at may access sa masustansyang pagkain, anuman ang katayuan sa lipunan,” ayon kay Blanco.
Ipinaalala niya sa harap ng mga dumalong nutrition frontliners ng lalawigan na aniya’y ang “bawat butil na ating niluluto ay katumbas ng bawat pawis ng ating mga magsasaka.” Dagdag pa niya na ang malnutrisyon ay isyung hindi kayang solusyunan ng iisang sektor. Isa itong multispectral challenge na nangangailangan ng kolektibong pagkilos.
“Sana’y patuloy nating suportahan ang mga programang pang-nutrisyon. Collective action matters. Everyone has a role…Sana pagbalik natin sa ating mga Munisipyo, lalong pa nating pag-ibayuhin ang pangangalaga sa mga bata dahil sila ang magiging kapalit natin sa hinaharap” dagdag pa niya.
Tampok naman sa selebrasyon ang mga pagkaing lokal at masusustansyang putaheng niluto sa iba’t-ibang klaseng menu, gamit ang sariwang aning gulay mula sa kanilang mga vegetable garden na matatandaang isinusulong ng sektor ng nutrisyon sa lalawigan na pinamumunuan ni Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Dr. Cielo Angela Ante katuwang ang mga Municipal Nutrition Action Officers (C/MNAO) sa lungsod at sa bawat bayan sa kabuuan ng Oriental Mindoro. Pangunahing layunin naman nitong itaguyod ang local food production, tamang nutrisyon, at paggalang sa kalikasan at mga nagtatanim ng pagkain.
Hinikayat din ni NNC MIMAROPA Coordinator Blanco ang lahat na katuwang ang masusustansyang pagkain, isabay ang ehersisyo at aktibong pamumuhay para sa pagpapanatili ng mabuting kalusugan. Kaakibat rin nito ang pagkilala at mataas na pagpapahalaga ng NNC MIMAROPA sa mga inisyatiba ni PNAO Ante na ayon aniya ay ginagawa ang lahat ng makakaya upang maisakatuparan ang mga kinakailangang programa at interbensyon para sa nutrisyon sa lalawigan.
Bahagi rin ng selebrasyon ang pagkilala at pasasalamat sa mga taong walang sawang tumutulong sa laban kontra-malnutrisyon kabilang na ang mga Barangay Nutrition Scholar (BNS) na binigyang-pugay at pinalakpakan ng mga dumalo. Gayundin, kinilala at pinasalamatan sina Governor Bonz Dolor, Vice-Governor CA Jojo Perez at Sangguniang Panlalawigan Board Members, mga Municipal Mayors partikular si Roxas Mayor Jerwin Dimapilis na kaisa-isang punumbayan na personal na dumalo sa selebrasyon sa kanilang walang sawang pagsuporta sa programa ukol dito.
source: https://www.facebook.com/share/p/1WGcJSzgxQ/?mibextid=wwXIfr