Usapin sa Pagtataas ng Terminal Fee sa Batangas Port, Ipinagpaliban Muna

7 August 2025 | News by PIO

Ipagpapaliban muna ang deliberasyon hinggil sa petisyon ng Asian Terminals Inc. (ATI) na itaas ang passenger terminal fee sa Batangas Port mula ₱30 upang maging ₱100.

Ito ang ipinahayag ni Gob. Bonz sa kanyang live phone patch kay Board Member Marion Marcos, Chairperson ng Committee on Transportation, Communication, Public Information and Mass Media sa ginanap na SP committee hearing tungkol dito.

Ang desisyong ito ay bunga ng kanyang direktang pakikipag-ugnayan kay PPA General Manager Jay Santiago at DOTR Secretary Vince Dizon, na parehong pumayag na pag-aralan muna ang isyu bago ito isulong. Hindi napapanahon ang usaping nabanggit sa gitan ng patuloy na umiiral na State of Calamity sa Oriental Mindoro, ayon pa sa Gobernador.

Bilang tugon sa liham ni Gob. Bonz sa SP, pinangunahan ni Vice-Governor Jojo Perez ang pagdinig, katuwang ang Committee on Laws sa pamumuno ni Board Member Atty. Roland Ruga at Committee na pinamumunuan ni Board Member Marcos.

Dumalo rin sina Board Members Bong Brucal, Ryan Arago, at Alely Casubuan-Tan.

Kasama sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa ATI at PPA Batangas.

Bagamat ipinagpaliban ang usapin, magsusumite pa rin ang SP ng position paper at resolusyon sa PPA bilang pagtutol sa petisyon ng ATI.

Source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid02UKvKmWngLu3zziJSz6EMMCt6Q7io6XRp6uAHmasvVtV9F3EC9W172X7u56VJUvHgl?rdid=LliAHhE0cz8aO8NF#