30 July 2025 | News byΒ PIO

Bilang bahagi ng programa kontra-ilegal na droga ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, matagumpay na sumailalim sa Spiritual Enhancement Activity (SEA) ang 23 rehabilitation clients na nasa Matrix Intensive Outpatient Program (MIOP) ng Oriental Mindoro Rehabilitation and Recovery Center (OMRRC). Ginanap ito ngayong Hulyo 30 sa Provincial Health Office (PHO) Conference room sa ilalim ng Drug Prevention Program (DPP) ng Pamahalaang Panlalawigan.
Ang aktibidad ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng Grace Alone Christian Mission Church, sa pamamagitan ni Pastor Bernard Beron.
Ito ang pagbibigay ng espiritwal na gabay at suporta bilang mahalagang bahagi ng pagbangon at tuluy-tuloy na pagbabalik-loob sa komunidad ng mga benepisyaryo ng programa.
Bahagi ito ng holistic approach ng PHO ukol sa rehabilitasyon na hindi lamang nakatuon sa pisikal at mental na aspeto ng paggaling, kundi, sa pagpapalalim ng pananampalataya at moral na paninindigan ng mga kliyente. Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, layunin din ng Pamahalaang Panlalawigan na maibalik nila ang tiwala sa kanilang mga sarili, at magbigay ng pagpapatawad at pag-asa para sa mas maayos na kinabukasan.
Patuloy naman ang panawagan ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng administrasyon ni Governor Bonz Dolor sa mas aktibong partisipasyon ng mga institusyon, simbahan, at mga organisasyon sa pagsusulong ng mga programang naglalayong sugpuin ang problema ng iligal na droga sa lalawigan. Ito ay sa pamamagitan ng maayos na pagpapatupad at pagsunod sa batas at sa pagtulong sa pagbubuo ng pagkatao ng mga dating naligaw ng landas.
Ang tagumpay ng gawain ay patunay ng dedikasyon ng lalawigan sa pagbibigay ng pangmatagalang solusyon at suporta sa mga indibidwal na nagnanais ng tunay na pagbabago.
PHO Oriental Mindoro/Ms.Jelai A.