πŠπ€π”ππ“πˆππ† π€π˜π”πƒπ€ ππ„π‘πŽ πŒπ€π˜ 𝐇𝐀𝐋𝐀𝐆𝐀 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 πŒπ†π€ ππ€ππ†π€ππ†π€πˆπ‹π€ππ†π€ππ† ππ€πŒπˆπ‹π˜π€

29 July 2025 | News by PISD

Ngiti ng pasasalamat ng mga taga- Silonay Calapan City at mga taga Brgy.Camilmil sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na patuloy na nagiging instrumento upang padaluyin ang mga pag-alalay ng pamahalaan sa maraming bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng baha na tumanggap ng relief goods ngayong araw, Hulyo 29.

Kaugnay nito, sa tulong ng barangay officials at sa ngalan ni Governor Bonz Dolor, magkakatuwang sa pamamahagi ng relief goods sina PSWD Officer Zarah Magboo, PDRRM Officer Vinscent Gahol, grupo ng Provincial Health Office na pinamumunuan ni PHO II Dr. Cielo Angela Ante at si Sangguniang Panlalawigan First District Board Member Ryan Arago, matagumpay na naihatid ang relief goods sa mahigit 300 mga benepisyaryong pamilya ng naturang mga komunidad.

Isa si Baby NiΓ±o Balmes, na nasa dulong bahagi ng barangay matatagpuan ang kanilang tahanan kung kaya pangunahin silang naapektuhan sa pagtaas ng tubig-baha. Naikwento niyang matindi ang kanilang pagtatyaga sa nagdaang kalamidad, lalo na sa kasagsagan ng pag-apaw ng tubig sa kanilang lugar bunsod ng habagat. Nandyan aniyang magkaroon ng sugat ang kanilang mga paa dahil sa pagkakababad sa tubig baha.

β€œOo, alam naming hindi ito sapat sa pangmatagalan,” aniya, β€œpero sa amin na kapos, napakalaking tulong na nito. Sa iba, baka bale-wala lang ito. Pero sa amin, mahalaga ang bawat butil ng bigas, ang bawat lata ng sardinas.” wika ni NiΓ±o.

Sa simpleng hakbang ng pamahalaang tulad nito, mas napapalalim ang ugnayan ng pamahalaan sa mga mamamayan. Isang paalala na sa gitna ng kakulangan, ang malasakit ay nananatiling higit na mahalaga.

source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid02cEvcUWGECum3rephVvquyMogLhSM1sF3EgJgmits317j3GNjSsmG2UDYhDuxiccJl