25 July 2025 | News by PISD

Sa kahilingan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor, ipinasa na at inaprubahan ng 12th Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Antonio S. Perez, Jr. ang Provincial Resolution No. 7822-2025 na nagdedeklara ng State of Calamity sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro ngayong araw, Hulyo 25 sa Batasang Panlalawigan.
Matatandaan na hiniling ni Governor Bonz ang deklarasyon ng State of Calamity upang mabilisang matugunan ang pinsalang dulot ng malawakang pagbaha bunsod ng habagat na pinalakas ng Tropical Depression Dante at Emong. Layunin din na agarang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Lokal na Pamahalaan at mapabilis ang pagbibigay ng relief operations, rehabilitasyon ng mga imprastraktura at dagliang tulong sa agrikultura sa pamamagitan ng Quick response Fund ng Pamahalaang Panlalawigan.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 181 ang bilang ng mga apektadong barangay na may mahigit 372,926 total affected population. Nasa 145,828 naman mula sa total affected population ang direktang naapektuhan ng malawakang pagbaha.