LATHALAIN: Sa likod ng bawat kalamidad, may larawang nagsasalita nang higit pa sa libong salita.

News by PISD – July 24, 2025

Ngayong Hulyo 24, nakunan ng lente ng camera ng Provincial Information Office (PIO) ang isang nakakapanlumong eksena sa bahagi ng National Highway sa Barangay Sta. Rita, Calapan City, isang imahe na sumasalamin sa bigat ng pinagdadaanan ng maraming pamilya sa gitna ng walang humpay na pag-ulan bunsod ng habagat.

Lubog sa baha ang halos buong kabahayan. Mula bubong hanggang sa palibot nito, walang nakaligtas na bahagi sa tubig baha, tanging mga bubong lamang at maliit na bahagi ng kabahayan na posible pang tuluyang lumubog dahil sa patuloy na pag-ulan. Sa gitna ng mataas na level ng tubig ay ang kapansin-pansing katahimikan. Marahil tahimik ngunit maaring sa kabila nito ay may nakakubling pamilya na may pagsigaw ng tulong, ng dasal, ng pag-asa.

Hindi na bago ang pagbaha sa panahon ng tag-ulan, ngunit sa bawat pagtaas ng tubig, kasabay ring umaangat ang pangamba ng mga mamamayang walang ibang masandalan kundi ang isa’t-isa, at ang pamahalaang mabilis na tumutugon sa abot ng kanilang kapasidad.

Habang kinukunan namin ang larawang ito, dala ng aming team ang higit pa sa camera, dala namin ang mata ng bayan, ang pagmamasid ng mga naghihintay ng balita, at ang inspirasyon upang lalong pag-ibayuhin ang paghahatid ng kaalaman ukol sa patuloy at ginagawang pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga lugar na nangangailangan.

Sa mga ganitong tagpo, makikita ang tunay na diwa ng bayanihan: ang kapit-bisig na pagtulong ng mga ahensya, ang pag-agapay ng kapwa, at ang matatag na pananalig ng mga Mindoreño sa muling pagbangon.

Dahil sa likod ng bawat larawang tulad nito, ay kwento ng katatagan ng isang lalawigang hindi kailanman sumusuko.

Hangad natin ang kaligtasan ng lahat ng nakatira sa bahay na yan. Sana ay maging maayos ang kanilang kalagayan sa kabila ng sunud-sunod na unos ng buhay.

source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid033zNSHLnYnUoR5CEerm5wvJmsht8EU4cJoXAFS2dB1kXUTgx5FenHtCueGs5LCeb4l?rdid=EgrLca41hKiw6sfS#