News by: PIO – July 22, 2025

Normal ang sitwasyon sa mga bayan ng Baco at Naujan, dalawa sa mga pangunahing lugar na karaniwang naaapektuhan ng mga pagbaha sa Unang Distrito ng lalawigan tuwing tumataas ang tubig sa mga ilog nito dulot ng sunud-sunod na pag-ulan.
Ayon kina Naujan MDRRM Officer Jhoery Geroleo at Baco MDRRM Officer-in-Charge Xryn Mortel, bagama’t may mga pag-ulang nararanasan, nananatiling normal ang lebel ng mga ilog sa kani-kanilang bayan.
Sa Calapan City, ang dalawang major rivers na Bucayao at Panggalaan ay nasa above normal ang water level ayon kay CDRRMD Chief Dennis Escosora.
Matatandaan namang ang patuloy na buhos ng ulan ay dulot ng habagat na kasunod ng Bagyong Crising. Mayroon ding aktibong Low Pressure Area (LPA) na nagpapalakas sa habagat at nagdadala ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng MIMAROPA region, kabilang na ang Oriental Mindoro.
Samantala, tiniyak ng mga naturang opisyal na patuloy ang kanilang pagbabantay sa mga kaganapan at nakahanda silang tumugon sa anumang posibleng pagtaas ng panganib sa kanilang mga lugar.