News by Pio – July 17, 2025

Bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Buwan ng Tamaraw sa darating na Oktubre, pinangunahan ng DENR Tamaraw Conservation Program (TCP) ang preparatory meeting ng Technical Working Group ngayong araw, Hulyo 17, sa Tamaraw Hall sa Kapitolyo.
Sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, mainit na tinanggap ni PG-ENRO OIC Lily May Lim ang mga dumalo sa naturang pagpupulong.
Tinalakay ni TCP Deputy Coordinator Neil Anthony Del Mundo ang Presidential Proclamation No. 273, s. 2002 na nagtatakda sa buwan ng Oktubre bilang Special Month for the Conservation and Protection of the Tamaraw in Mindoro bilang legal na basehan ng pagdiriwang.
Tinalakay din ang pagpipinal ng mga nakalinyang gawain para sa naturang pagdiriwang. Ayon kay TCP Deputy Coordinator Del Mundo, isasagawa ang culminating activity ng Tamaraw Month sa bayan ng Calintaan.
Iprinisenta naman ni PG-ENRO Community Development Officer Altreen Cueto ang mga inisyal na gawain para sa gagawing kick-off ng pagdiriwang sa Kapitolyo.
Inilatag din ng Mindoro Biodiversity Conservation Foundation, Inc. ang pagkakaroon ng Tamaraw Symposium na kinapapalooban ng iba’t ibang gawain kasama ang taunang Mindoro Wildlife Quiz.
Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng PENRO, CENRO, DENR Regional Office, MIBNP PAMO, MENRO, LGU San Jose, LGU Calintaan, LGU Sablayan, MBCFI at iba pang stakeholders at partner agencies.