November 1, 2026 | News by PISD

TINGNAN: Tuwing Undas, dagsa ang mga pamilyang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay upang alalahanin, alayan ng panalangin at handugan ng kandila at mahahalimuyak na bulaklak.
Ito ang karaniwang tagpo sa mga sementeryo na bahagi na ng taunang tradisyon sa paggunita ng mga yumao.
Ngunit sa kabila ng pagiging abala ng karamihan, kapansin-pansin ang isang grupo na nagpapakita ng diwa ng malasakit at pagtutulungan tuwing Undas.
Maaga pa lamang, nakapagluto na ng mainit na sopas ang grupo ng TAU GAMMA PHI sector 7 – Naujan Council upang ipamahagi sa mga bumibisita sa Del Pilar Cemetery.
Bukod dito, nagbibigay din sila ng malamig na tubig-inumin at candy bilang bahagi ng pagkakapatiran at pagpapakita ng malasakit sa kapwa.
Sa simpleng gawaing ito, nakapagbibigay ng munting tulong at ginhawa ang grupo mula sa pinagsama-samang donasyon ng kanilang mga miyembro.
Ayon sa kanila, ito na ang palimang (5) taon na ginagawa nila ito at ipagpapatuloy pa rin sa mga susunod pang taon.
Higit pa sa tradisyon, ito’y isang mahalagang paalala na ang Undas ay hindi lamang nakasentro sa pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay, kundi ito rin ay maaaring maging daan upang makapagbahagi ng kabutihan sa kapwa at komunidad.

