Paggamit ng Renewable Energy, isinusulong sa mga kooperatiba

October 30, 2026 | News by PISD

Pinalalakas ng 𝙋𝙧𝙤𝙫𝙞𝙣𝙘𝙞𝙖𝙡 𝘾𝙤𝙤𝙥𝙚𝙧𝙖𝙩𝙞𝙫𝙚 𝘿𝙚𝙫𝙚𝙡𝙤𝙥𝙢𝙚𝙣𝙩 𝙊𝙛𝙛𝙞𝙘𝙚 (𝙋𝘾𝘿𝙊) ang kakayahan at kaalaman ng mga kooperatiba sa pagsusulong ng renewable energy sa Oriental Mindoro.

Ito ang naging sentro ng “𝗖𝗼𝗼𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝘃𝗲 𝗘𝗱𝘂𝗰𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗮𝗻𝗱 𝗖𝗮𝗽𝗮𝗰𝗶𝘁𝘆 𝗕𝘂𝗶𝗹𝗱𝗶𝗻𝗴 𝗦𝘂𝗺𝗺𝗶𝘁 𝗼𝗻 𝗥𝗲𝗻𝗲𝘄𝗮𝗯𝗹𝗲 𝗘𝗻𝗲𝗿𝗴𝘆 𝗮𝗻𝗱 𝗖𝗼𝗼𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝘃𝗲 𝗘𝗻𝘁𝗲𝗿𝗽𝗿𝗶𝘀𝗲 𝗗𝗲𝘃𝗲𝗹𝗼𝗽𝗺𝗲𝗻𝘁” na pinangunahan ng nasabing tanggapan ngayong araw sa Brgy. Salong, Lungsod ng Calapan.

Sa pamumuno ni PCD Officer Orlando B. Tizon, nilalayon ng gawain na ipakilala ang solar energy bilang isang praktikal at alternatibong pinagkukunan ng kuryente.

Gayundin, isa itong pagkakataon upang maibahagi ang mga oportunidad na maaari nitong mabuksan para sa mga kooperatiba, negosyo, at mga pamayanan.

Sa pamamagitan ng mga kinatawan ng mga katuwang na ahensya at organisasyon na nagsilbing mga tagapagsalita sa gawain, tinalakay rito ang mga mahahalagang polisiya at benepisyo ng renewable energy tungo sa pagkakaroon ng abot-kaya at matipid na pinagkukunan ng kuryente na maaaring magamit sa pagpapatakbo ng negosyo.

Gayundin, ibinahagi sa kanila ang mahahalagang estratehiya sa paggamit ng nasabing teknolohiya bilang oportunidad na maaari ring pagmulan ng dagdag na kabuhayan.

Bilang tagapanguna ng Oriental Mindoro Electric Cooperative, Inc. (ORMECO), ipinahayag ni General Manager Engr. Humphrey A. Dolor ang kanilang buong suporta sa mga nagnanais lumipat sa solar energy mula sa kuryente na isinusuplay ng ORMECO.

Samantala, dahil kalakip din ng pagbili ng renewable power supply ang pagkakaroon ng sapat na pondo para rito, ibinahagi naman ng Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), at Foundation for a Sustainable Society, Inc. (FSSI), ang mga financing system na maaaring ikonsidera ng mga kooperatiba na nagnanais pasukin ang renewable energy.

Isinagawa ang aktibidad sa pakikipag-ugnayan ng PCDO sa Oriental Mindoro Union Cooperative, ReNew Mindoro, League of the Cooperative Development Officers of Oriental Mindoro, Department of Energy (DOE), Cooperative Development Authority (CDA) at Sorosoro Ibaba Development Cooperative (SIDC).

#thecapitolnews

SOURCE: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0gqL8PG5twAYKXgrKZgEQHooBQv4H9NRBWh2QCDhecux1iP6F8y8xs2mnqeAcfTb8l?rdid=tGw7b6n66GmyZPEh#

Scroll to Top