October 30, 2026 | News by PISD

Umusad na sa pre-bid conference ang halos ₱ 99M halaga ng proyektong “Construction of Multi-Purpose Building in Brgy. Sta. Isabel, City of Calapan” na isinagawa ngayong ika-30 ng Oktubre.
Sa yugtong ito, tinalakay ang mga mahahalagang detalye ng bidding documents, mga itinakdang procurement requirement at mga kondisyong dapat isaalang-alang sa paghahanda at pagususumite ng bid ng mga prospective bidder.
Isa ito sa pamamaraan upang masigurong ang proseso ng procurement ng proyekto ay alinsunod sa umiiral na procurement laws na nakapaloob sa New Government Procurement Reform Act.
Gayundin, isinagawa ang pre-procurement conference para sa apat (4) na magkakahiwalay na pagawaing proyektong pang-imprastraktura ng Pamahalaang Panlalawigan na nagkakahalagang mahigit ₱ 123M.
Kabilang dito ang pagsasaayos ng Oriental Mindoro Central District Hospital (OMCDH), pagtatayo ng dalawang (2) palapag na may anim (6) na silid-aralan sa Cacawan High School, Pinamalayan, isang (1) palapag na may tatlong (3) silid-aralan sa Lisap Elementary School, Bongabong at isang (1) palapag na may tatlong (3) silid-aralan sa Teresita Elementary School, Mansalay.
Pinangunahan ang gawain ni Bids and Awards (BAC) Chairperson at Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II katuwang ang BAC Secretariat na pinamumunuan ni GO-Procurement Division Administrative Officer V Engr. Jollie Ver Lasic.
Samantala, dumalo rin sa gawain ang mga miyembro ng BAC na sina Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Officer Vinscent B. Gahol, Governor’s Office – Special Concerns Division (GO-SCD) Chief Junielo P. Alcuran, Governor’s Office – Management Information Services Division (GO-MISD) Information Technology Officer II Reywel M. Dela Roca, at End-User Representative na si Administrative Officer V Maria Angeline A. Mendoza mula sa Provincial Engineering Office (PEO).

