BFP Calapan, mas pinaigting ang kahandaan para sa ligtas na Undas 2026

October 29, 2026 | News by PISD

Nakataas sa “Code Blue” ang alert status ng Calapan City Bureau of Fire Protection (BFP) upang maitiyak ang kaligtasan ng publiko sa paggunita ng Undas 2026.

Ito ang binigyang-diin ni BFP Public Information Chief SFO1 Mervyn Jef F. Delos Reyes sa Kapihan sa Oriental Mindoro na ginanap ngayong araw sa pangangasiwa ng Philippine Information Agency (PIA) Oriental Mindoro, na pinamumunuan ni Regional Director Jemin Guillermo.

Sa ilalim ng kanilang programang Oplan Kaluluwa na ipinatutupad simula noong ika-28 ng Oktubre hanggang ika-03 ng Nobyembre, mas pinaigting ang pagbabantay at pagtugon ng kanilang ahensya sa kaso ng sunog at iba pang uri ng sakuna na posibleng magdulot ng panganib sa mga residente ng nasabing lungsod.

Dagdag pa ni SFO1 Delos Reyes, nasa 37 kawani ng kanilang tanggapan ang hinati sa Firefighting Units, Special Rescue Force at Emergency Medical Services, ang nagsimula nang i-deploy sa mga sementeryo, pantalan at iba pang pampublikong lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao.

Gayundin, itiniyak ni Firetruck Operator FO1 Mark Roby M. Atienza na handa, may sapat na suplay ng tubig, at nasa maayos na kondisyon ang mga fire truck ng BFP at iba pang mga kagamitang pang-emerhensiya, upang masiguro ang agarang pagtugon kung sakali mang magkaroon ng sunog.

Nanawagan naman sila sa publiko na makipagtulungan at agad na iulat sa kanilang tanggapan ang anumang insidente ng sunog upang mabilis itong matugunan at agarang maapula.

Gayundin, mahigpit ang kanilang apela sa mga motorista na magbigay-daan sa mga sasakyang pang-emerhensiya sapagkat mahalaga umano ang bawat segundo sa pagsasalba ng buhay at pag-iwas sa matinding pinsala na maaaring idulot nito.

#thecapitolnews

SOURCE: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0CGqC1CGMRi6oWvV4LHJJgzsgiExrMmWi8jtHqZfpABueZLK9YYvybnuCjJQdtSQYl?rdid=nHmzheVR66b5mXXb#

Scroll to Top