October 28, 2026 | News by PISD

Nakikiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa pagdaraos ng Breast Cancer Awareness Screening, Diagnostic and Treatment Program ngayong buwan ng Oktubre bilang bahagi ng pagpapalawak ng kamalayan tungkol sa breast cancer.
Dinaluhan ito ng mahigit 70 katao, kabilang ang mga kababaihang empleyado mula sa iba’t ibang tanggapan ng Kapitolyo, sa ilalim ng temang “Maagang Pagtuklas, Pag-asang Mas Matibay.”
Pinangunahan ang programa ng Provincial Health Office sa pamumuno ni Provincial Health Officer II Dr. Cielo Angela A. Ante.
Nagbahagi ng mahahalagang impormasyon tungkol sa breast cancer sina Dr. Ambrosio C. Jumangit III, Dr. Michael De La Paz, Dr. Abigail Aylette Garcia-Barrientos at Dr. Patricia Caballero sa pamamagitan ng mga lecture na nagbigay-diin sa kahalagahan ng maagang pagtuklas, tamang pagsusuri, at napapanahong paggamot.
Nakiisa rin sa programa ang Luna Goco Medical Center, Inc. at Maria Estrella General Hospital, Inc. bilang bahagi ng pagsusulong ng kamalayan at pangangalagang pangkalusugan para sa mga kababaihan.
Patuloy na hinihikayat ang mga kababaihan na pahalagahan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng regular na pagpapasuri at maagang pagtukoy sa breast cancer upang magkaroon ng mas malaking pagkakataon para sa maagap at angkop na paggamot.

