Likha ng Lahi Art Exhibit, tampok ngayon Indigenous Peoples’ Month

October 28, 2026 | News by PISD

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Indigenous People’s Month, itinatampok ng Provincial Tourism Office ang iba’t ibang likhang sining ng mga local artist sa pamamagitan ng Likha ng Lahi Art Exhibit sa Oriental Mindoro Heritage Museum, Ibaba East, Lungsod ng Calapan.

Sa pamamagitan ng talento at pagkamalikhain ng 12 local artists, itinatanghal ang mayamang tradisyon, kultura at pagkakakilanlan ng mga katutubong Mangyan.

Kabilang sa mga local artist na nagtampok ng kanilang obra sina Marites Van Vianen, Ma. Valentina Famela Telmo, Nicole Hernandez, Mauru Infantado, Michael Jayzon Dela Cruz, Gilbert Llave, Peter John Salazar, Anna Lumpas, Jojo Fonte, Rodel Cruzado, Leodegario Barcelona Jr. at Lulu Lladones.

Sa bawat obra, makikita ang iba’t ibang makulay na kultura, kwento, kinagawian at uri ng pamumuhay ng mga katutubong unang nanirahan sa isla ng Mindoro.

Opisyal itong binuksan ngayong ika-28 ng Oktubre sa pangunguna ni Provincial Tourism Officer Dr. Dhon Stepherson V. Calda at Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II.

Tatagal ang gawaing ito hanggang sa ika-31 ng Oktubre kung kaya’t inaanyayahan ang lahat na libreng saksihan ang mga natatanging obra ng mga mahuhusay na mamamayan ng Oriental Mindoro na may malalim na pagpapahalaga sa kultura at tradisyon ng mga katutubo.

Bukas ang Heritage Museum simula 8:30 AM hanggang 4:30 PM sa nabanggit na petsa.

Samantala, maaari namang mabili ang mga obrang kasama sa eksibit bilang pagtangkilik sa mga obra ng artistiko at malikhaing local artists ng lalawigan.

SOURCE: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0GB7RhExaHkK7wMbzyD1Ps1H7eqpRvcawyjh1XwcnXrjHXguhBwKGRyZy9Tn1DSnhl?rdid=1RKEHHp4GQnZ7vtQ#

Scroll to Top