October 26, 2026 | News by PISDĀ

Bumaba ng 6.4% ang Poverty Incidence ng populasyon sa MIMAROPA mula 2023 hanggang 2025.
Ito’y ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa 2025 Official Poverty Statistics Data Dissemination Forum.
Tinutukoy ng Poverty Incidence ang antas ng kahirapan ng populasyon mula sa mga nakapagtala ng pinakamababang kita upang matustusan ang mga pangunahing pang-araw-araw na pangangailangan.
Samantala, nagmula ang nasabing datos sa naging resulta ng Family Income and Expenditure Survey (FIES) noong nakaraang taon.
Sa pamamagitan ng FIES, nakokolekta at nasusukat ang halaga ng kinikita at mga pinagkukunan nito, mga gastusin, at kabuuang estado ng kabuhayan ng mga mamamayan.
Ayon sa PSA, bumaba sa 16.6% noong 2025 mula sa 23.0% noong 2023, ang naitalang bilang ng mga indibidwal na may pinakamababang halaga ng kita upang matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Kaugnay nito, naitala ang Wage/Salary bilang pangunahing pinagkukunan ng kita ng mga pamilya sa rehiyon sa datos na 46.5%, na sinundan ng Entrepreneurial Activities na may 21.8%, at Cash Receipt from Domestic Sources na may naitalang 8.7%.
Binigyang-diin naman ni Development Research Division Chief Bernardino A. Atienza, Jr. ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan at mga partner stakeholders, higit pang papaigtingin ang mga hakbang para sa higit pang pagsusulong ng kaunlaran, pagpapatatag ng mga presyo ng bilihin, seguridad sa pagkain, suporta sa MSMEs at iba pa upang patuloy pang maitaguyod ang kabuhayan ng bawat pamilya tungo sa higit pang pagpapababa ng kaso ng kahirapan sa rehiyon.
Gayundin, ipinahayag ni Department of Social Welfare Officer II Erin May B. Ecoben ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na mahalaga ang nasabing datos para sa higit pang pagpapalakas ng mga programa at polisiya upang maprotektahan at maiangat ang estado ng pamilyang Pilipino.
Pinangunahan ang aktibidad ng PSA-MIMAROPA na pinamumunuan ni Regional Director Leni R. Rioflorido.

