October 21, 2026 | News by PISD

Nagtagisan ng kaalaman ang mga mag-aaral mula sa limang paaralan sa Oriental Mindoro sa Local Governance Quiz Bee na isinagawa kahapon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Local Government Code Month ngayong buwan.
Mula sa 15 kalahok na binubuo ng tatlong kinatawan mula sa mga magkakatunggaling paaralan, hinirang bilang kampeon si Jun Karlo D. Monteagudo ng Divine Word College of Calapan, Inc. (DWCC), habang pumanglawa naman si Katrina T. Rufino ng Colegio de Naujan, at pumangatlo si Lovely Grace T. Marasigan na mula rin sa DWCC.
Higit pa sa paligsahan, layunin din nitong higit pang palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral hinggil sa Local Government Code of 1991 o ang Republic Act No. 7160.
Pinangunahan ang aktibidad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) MIMAROPA, sa ilalim ng pangangasiwa ni Regional Director Rey S. Maranan, katuwang ang DILG Oriental Mindoro na pinamumunuan ni Provincial Director Frederick Gumabol sa Filipiniana Hotel, Lungsod ng Calapan.

