Mga pambentang baboy na ibibiyahe sana pa-Occi. Mindoro, nasabat sa Bulalacao; Hakbang kontra-ASF, pinaiigting

October 8, 2026 | News by PISD

Walang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa kasalukuyan sa Oriental Mindoro.

Subalit mahalaga ang patuloy na mahigpit na pagbabantay sa pagbiyahe ng mga baboy dahil maaaring pumasok at kumalat sa lalawigan ang ASF sa pamamagitan ng mga infected na hayop at mga kontaminadong sasakyan, kagamitan, damit at iba pang bagay na nakakasalamuha ng mga baboy.

Kaugnay nito, nasabat sa Milagrosa Animal Quarantine Checkpoint sa bayan ng Bulalacao noong ika-06 ng Oktubre, ang siyam na buhay na baboy na umano’y tangkang ilalabas patungong San Jose, Occidental Mindoro, bilang bahagi ng mahigpit na pagpapatupad ng quarantine measures upang maiwasan ang pagpasok ng ASF sa lalawigan.

Pinipigilan ang paglalabas ng baboy patungo sa lugar na may active ASF upang maiwasan ang kontaminasyon ng livestock carriers na maaaring magdala ng ASF virus pagbalik ng Oriental Mindoro.

Batay sa incident report, agad na isinagawa ang kaukulang aksyon matapos matukoy ang kargamento sa quarantine checkpoint. Ipinasasampa ang kaukulang paglabag sa quarantine ordinance laban sa mga responsable sa pagbiyahe ng mga baboy.

Kabilang sa mga nanguna sa pagsasagawa ng kaukulang aksyon sina Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II, Atty. Jake Magsisi ng Provincial Legal Office, at Acting Provincial Veterinarian Dr. Alfredo Manglicmot, katuwang ang mga personnel ng Animal Quarantine, ilang kawani ng Provincial Veterinary Office (ProVet) sa pangunguna ni Dr. Rochelle Boongaling, Bulalacao ASF Task Force at Bulalacao Municipal Police Station (MPS).

Kasabay nito, isinagawa rin ang kinakailangang disposal o pagbabaon ng mga nasabat na baboy bilang bahagi ng biosecurity measures. Pangunahing layunin ng hakbang na ito ang mapigilan ang posibleng muling pagpasok ng ASF sa Oriental Mindoro.

Photo courtesy: ProVet

SOURCE: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0gWRVoSQZcuAopABv4iQfxto4z9sP4cdjdDRC2NLxRJgUSTMygxJD6kWA1QN5vZUel?rdid=OItURBAE1GvwIbZ7#

Scroll to Top