September 29, 2026 | News by PISD

Inaasahang mararanasan sa lalawigan ng Oriental Mindoro at halos sa buong bansa ang mas matinding epekto ng El Niño pagsapit ng huling mga buwan sa taong 2026 hanggang sa unang mga buwan ng taong 2027.
Ito ang iniulat ni Calapan PAGASA Station Officer Edmundo Muning sa isinagawang Third Quarter Joint Council Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Provincial Development Council (PDC), Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict at Enhance Comprehensive Local Integration Program (PTF ELCAC-ECLIP ) ngayong ika-28 ng Setyembre.
Ayon sa mga weather model ng PAGASA, magdudulot ang El Niño ng mataas na posibilidad na magkaroon ng below normal rainfall, dry spells at drought sa ilang bahagi ng bansa.
Hindi bababa sa 84 na lalawigan sa buong bansa ang maaaring maapektuhan nito, ayon sa mga ibinahaging climate outlook ng Calapan Pag-asa sa iba’t ibang konseho.
Sa lalawigan ng Oriental Mindoro, asahan ang pagdalang ng pag-ulan pagsapit ng Disyembre 2026. Tinatayang nasa humigit-kumulang 50 milimetro lamang ang dami ng ulan na maaaring maranasan sa lalawigan hanggang sa Marso 2027.
Bilang bahagi ng paghahanda, mas palalakasin ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang Provincial El Niño Task Force. Ito ay upang mabawasan at mapaghandaan ang mga posibleng epekto nito sa iba’t ibang sektor tulad ng agrikultura, kabuhayan at kalusugan ng mga mamamayan.
Samantala, bukod sa inaasahang matinding tagtuyot, posibleng tatlo (3) hanggang limang (5) bagyo naman ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mula Oktubre 2026 hanggang Marso 2027.
