September 29, 2026 | News by PISD

Nakatakdang maglabas ng Department Administrative Order (DAO) and Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa mga pamantayan sa pagbili at paggamit ng Solar Panel at Battery Energy Storage Systems (BESS) upang maitiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga gumagamit nito.
Ito ang naging pahayag ni DTI Oriental Mindoro Provincial Director Arnel E. Hutalla, sa isinagawang Third Quarter Joint Council Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Provincial Development Council (PDC), Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict at Enhance Comprehensive Local Integration Program (PTF ELCAC-ECLIP) ngayong ika-28 ng Setyembre 2026.
Layunin ng hakbang na ito na gabayan ang mga supplier, installer at lahat ng mga gumagamit nito sa tamang pagpili at paggamit ng mga solar panel, baterya, at iba pang mga kaugnay na kagamitan.
Sa ngayon, patuloy ang pagdami ng mga indibidwal na nagsasagawa ng Do-It-Yourself (DIY) solar installation. Bagaman at makatutulong ito sa pagtitipid sa kuryente, maaari rin itong magdulot ng panganib kung hindi masusunod ang tamang pamantayan at iba pang safety requirements sa paggamit nito.
Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng mga pampublikong konsultasyon ang DTI Bureau of Philippine Standards upang mailahad ang mga mahahalagang bahagi ng ilalabas na DAO. Layunin din nitong makalap ang mga mahahalagang komento at rekomendasyon ng mga konsernadong stakeholder bago ito ganap na ipatupad.
