September 29, 2026 | News by PISD

Mas pinalalawak at pinalalapit ang akses ng mga Mindoreño sa de-kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng itatayong Mindoro State University (MinSU) Extension Campus sa bayan ng Gloria.
Kaugnay nito, isinagawa ngayong ika-29 ng Setyembre, ang groundbreaking ng proyekto na pinangunahan nina Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor, Gloria Mayor Teresita M. Ong at MinSU President Enya Marie D. Apostol.
Ang seremonyang ito ay simbolo ng pagsisimula ng pagtatayo ng proyekto na inaasahang magiging bahagi ng patuloy na pag-unlad ng sektor ng edukasyon sa Oriental Mindoro.
Tinatayang nasa Php 75M ang nakalaang pondo para sa proyekto. Kabilang dito ang Php 55M ipinagkaloob ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Php 20M mula naman sa Pamahalaang Panlalawigan.
Ang proyektong ito ay inaasahang makatutulong sa akademikong pag-unlad ng mga kabataan tungo sa kanilang mas mayabong at mas maunlad na kinabukasan.
Samantala, dumalo at nakiisa sa gawain sina Bise Gobernador Atty. Antonio S. Perez Jr., Sangguniang Panlalawigan (SP) Board Members (BM) na sina BM Atty. Jomarc Philip E. Dimapilis, BM Jean Paulo Umali, BM Rolando H. Ruga, BM Ryan Z. Arago, SP ex-officio members na sina BM Jhane Andhraei Mhey Dolor, BM Lagtum Pasag at BM Ralph Jonnel Recto, Gloria Vice Mayor Wil Condesa kasama ang Sangguniang Bayan members at principal ng mga paaralan sa Gloria.
