September 2, 2026 | News by PISD

𝗠𝗮𝗵𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮𝗻𝗴 𝗱𝗮𝘁𝗼𝘀 𝘀𝗮 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺 𝗜𝗻𝘁𝗲𝗹𝗹𝗶𝗴𝗲𝗻𝗰𝗲 𝗙𝗼𝗿𝘂𝗺, 𝗶𝗻𝗶𝗹𝗮𝘁𝗮𝗴
02 Setyembre 2026, Lungsod ng Calapan – Inilatag ni Provincial Tourism Officer Dr. Dhon Stepherson V. Calda ang mga mahahalaga at kumprehensibong datos na maaaring magamit sa higit pang pagpapabuti ng industriya ng turismo sa lalawigan.
Bahagi ito ng isinagawang Explore with Insights: Tourism Intelligence Forum ngayong ika-2 ng Setyembre sa Mangyan Ballroom Hall ng Oriental Mindoro Heritage Museum, Lungsod ng Calapan.
Sa loob ng isinagawang anim (6) na buwang Local Tourism Product and Market Survey (LTPMS), nakuha na ng Provincial Tourism Office ang mga kinakailangang datos na magsisilbing batayan sa pagsasagawa ng mga kaugnay na pananaliksik at pag-aaral.
Kasama na rito ang bilang ng mga Tourism Related Enterprises (TREs) sa lalawigan tulad ng dive shops, sports and recreational facilities, restaurants, convenience stores, souvenir shops, salon/spa, bangko, pharmacy, gas station at iba pa, bilang ng lakas-paggawa sa turismo at mga establisimyentong nagbibigay ng akomodasyon sa bawat bayan.
Ayon sa datos, umabot na sa mahigit ₱ 15.7B ang kabuuang gross tourism receipts na naitala sa lalawigan ng Oriental Mindoro mula Enero 2024 hanggang noong ika-16 ng Agosto 2026.
Nasa 3,014 naman ang mga naitalang TREs sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro kung saan nangunguna ang bayan ng Puerto Galera na mayroong 984 TREs.
Nakalap ng Provincial Tourism Office ang mga mahahalagang datos na ito sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, TREs sa lalawigan at iba pang stakeholders.
Ayon kay Calda, walang sentralisado at regular o updated na tourism supply database ang lalawigan. Gayundin, limitado lamang aniya, ang kanilang hawak na datos bilang basehan sa pagpaplano at pagbuo ng mga desisyon sa pagpapabuti ng turismo sa lalawigan.
Ang tourism database ay taun-taong ia-update, samantalang kada-tatlong (3) taon naman isasagawa ang LTPMS upang mapanatili ang katumpakan ng mga datos.
Hinihikayat naman ni Department of Tourism (DOT) MIMAROPA Regional Director Roberto P. Alabado III ang mga tourism stakeholder na gumawa ng mga aktibidad na hindi lamang mapapanood ng mga turista, kundi aktwal nilang masasalihan o mararanasan. Sa kasalukuyan, ito aniya ang hinahanap ng mga turista na nagbibigay sa kanila ng pagkakataong matuto, makilahok at makiangkop sa mga lokal na gawain ng mga komunidad.
Nakiisa sa gawain at nagpahayag ng pasasalamat sa Provincial Tourism Office sa pagkakabuo ng bagong database ukol sa turismo ng lalawigan ang mga kinatawan mula sa Pamahalaang Nasyunal tulad ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Environment and National Resources (DENR), kasama rin ang Philippine Statistics Authority (PSA) – Oriental Mindoro, tourism officers at planning officers ng iba’t ibang mga bayan sa lalawigan, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan at ilang local media partners.
