August 27, 2026 | News by PISD

𝟭𝟬-𝗸𝗶𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗯𝗶𝗴𝗮𝘀 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗮𝗻𝗴 𝗡𝗮𝘀𝘆𝘂𝗻𝗮𝗹, 𝗴𝗶𝗻𝗵𝗮𝘄𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗵𝗮𝘁𝗶𝗱 𝗸𝗮𝘆 𝗡𝗮𝗻𝗮𝘆 𝗗𝗮𝗶𝗻𝗴 𝗔𝗻𝘁𝗼𝗻𝗶𝗼
Dahil sa nagdaang init ng panahong naranasan sa bayan ng Bulalacao, apektado ang kabuhayan ng mga mamamayan nito.
Isa lamang si Nanay Daing P. Antonio, katutubong Hanunuo mula sa Barangay Benli na dumaraing sa hirap ng buhay lalo na kung ang lupang sakahang inaasahan nilang magbibigay ng kabuhayan, tuyot na at hindi makabuhay ng mga pananim.
Pagtatanim ng balinghoy at iba pang produktong agrikultural ang pangunahing hanapbuhay ng mga katutubo sa bayan ng Bulalacao.
Hindi pa sila lubos na nakakabawi sa nalugi at nawalang pananim dulot ng matinding tagtuyot.
Nabalitaan niya ang programa ng Pamahalaang Nasyunal na Rice Distribution Project na pinondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF). Ikinatuwa ito ni Nanay Daing dahil aniya, kailangang-kailangan nila ang tulong ng pamahalaan lalo na sa mga panahong ito.
Subalit noong unang araw ng pamamahagi ng bigas sa bayan ng Bulalacao, hindi siya nakatanggap dahil nakita ang kanyang pangalan sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon sa kanya, matagal na siyang natanggal sa 4Ps kung kaya’t humingi siya ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapatunayang wala na siyang natatanggap na tulong mula sa pamahalaan.
Ngayong ika-27 ng Agosto, muling binalikan ng mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pangunguna ni PSWD Officer Zarah C. Magboo at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga nasa listahan subalit hindi nakatanggap ng bigas sa bayan ng Bulalacao.
Bitbit ang sertipikasyon, maagang pumila si Nanay Daing sa pagbakasakaling makuha na niya ang bigas na magtatawid sa gutom sa loob ng ilang araw.
Matapos maisumite at maipakita kay PSWD Officer Magboo ang sertipikasyon, kaagad siyang binigyan ng stub at kalauna’y natanggap na ang 10 kilong bigas.
Aniya, kung dati ay isa (1) o dalawang (2) beses lamang sila kumakain sa loob ng isang araw, ngayon, makakakain na sila ng tatlong beses lalo pa’t ulam na lamang ang kanilang hahanapin.
Ito ang lubos na ipinagpasalamat ni Nanay Daing kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil aniya, hindi nakakalimot ang pamahalaan at patuloy na umaalalay sa tulad niyang mahirap.
Malaki ang ngiti niya nang umalis bitbit ang bigas na iuuwi sa kanyang pamilya.

