August 26, 2026 | News by PISD


𝟮𝟬𝟮𝟲 𝗪𝗼𝗿𝗹𝗱 𝗖𝗮𝗳𝗲 𝗼𝗳 𝗢𝗽𝗽𝗼𝗿𝘁𝘂𝗻𝗶𝘁𝗶𝗲𝘀 (𝗪𝗖𝗢), 𝘁𝗮𝗺𝗽𝗼𝗸 𝘀𝗮 𝗧𝗘𝗦𝗗𝗔 𝟯𝟮𝗻𝗱 𝗔𝗻𝗻𝗶𝘃𝗲𝗿𝘀𝗮𝗿𝘆
26 Agosto 2026, Lungsod ng Calapan – Tampok sa pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang 2026 World Cafe of Opportunities (WCO).
Sa temang “Husay, Tibay at Tagumpay,” pinangunahan ng TESDA-Oriental Mindoro sa pamumuno ni Acting Provincial Director Vanessa Jane D. Aceveda ang pagdiriwang.
Sa WCO, layuning bigyan ng pagkakataon ang mga nagtapos ng mga pagsasanay ng TESDA, partikular ang mga kwalipikadong may National Certificate (NC), na makahanap ng oportunidad sa trabaho at higit pang mapaunlad ang kanilang mga kasanayan.
Kabilang sa mga larangang pinagkakalooban ng libreng technical-vocational training ng TESDA ang agriculture, tourism, construction, manufacturing, information and communications technology (ICT), at automotive.
Binigyang-pugay din ng TESDA ang mga Technical Vocational Institutions (TVIs), partner private companies (PPCs), at partner government agencies (PGAs) na patuloy na nakikipagtulungan sa ahensya upang maisakatuparan ang mga programa at pagsasanay para sa mga kabataan at iba pang nais matuto ng iba’t ibang kasanayan.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng pasasalamat si TESDA MIMAROPA Regional Director Baron Jose L. Lagran sa lahat ng katuwang ng kanilang ahensya sa pagpapatupad ng mga technical-vocational training program.
Nagbigay rin siya ng pagpupugay sa mga kabataang patuloy na nagsusumikap na matuto at magkaroon ng kasanayang makatutulong sa kanilang pag-unlad at paghahanapbuhay.
Tampok din sa programa ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng TESDA at mga partner private companies bilang bahagi ng pagtutulungan upang mabigyan ng mga oportunidad at kasanayan ang TESDA scholars.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga nagsipagtapos ng TESDA training na mag-apply sa iba’t ibang kumpanya. Kabilang dito ang mga nagtapos sa Language Skills Institute (LSI) ng Pamahalaang Panlalawigan at iba pang mga training center na katuwang ng ahensya.
Nagpakita naman ng kanilang husay sa iba’t ibang kasanayan ang mga kasalukuyang nag-aaral at mga nagsipagtapos na sa ilalim ng programa ng TESDA.
Samantala, sa ngalan ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor at PGDH-PESO Manager Antonio Magnaye, Jr., ipinabatid ni PPESO Supervising Labor Employment Officer Sofia Ala-Logmao ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga programang ipinatutupad ng TESDA.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang TESDA Oriental Mindoro Provincial Office sa lahat ng tumulong at nakibahagi sa matagumpay na pagdaraos ng gawain.

