August 13, 2026 | News by PISD


LIBRE AT LIGTAS NA BAKUNA IBINIBIGAY HANGGANG AGOSTO 28
Sa kabila ng mga pag-ulan, tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay ng libre at ligtas na bakuna kontra tigdas ng mga healthworkers sa mga batang edad 6 na buwan hanggang 59 na buwan o magli-limang taong gulang sa mga itinalagang vaccination post sa iba’t barangay sa lalawigan alinsunod na rin sa tagubilin ng Department of Health.
Ang naturang bakuna na ibinibigay nang libre hanggang Agosto 28 ay nagkakahalaga ng libong piso KAPAG nagpabakuna nito sa mga pribadong ospital sa mga pagkakataong nagkakaroon ng tigdas ang mga bata lalo na kung tatamaan pa ng kumplikasyong sakit nito.
Kabilang sa mga nagiging kumplikasyon ng sakit na tigdas kapag walang bakuna at hindi naagapan ay ang encephalitis o pamamaga ng utak na nagdudulot ng biglang pagkakaroon ng mataas ng lagnat, sakit ng ulo at pangingisay, panghihina at ang pulmonya na kalimitan kapag hindi naagapan ay ikinamamatay ng mga batang nagkakaroon nito.
Dahil dito, nais ng pamahalaan na mabigyan ng proteksyon ang mga bata na hindi na mahawa at umabot pa sa mga nabanggit na sitwasyon nang dahil lamang sa hindi nabakunahan at nabigyan sila ng proteksyon laban sa tigdas. Malaking tulong din ito sa mga Nanay na makamenos sa gastusin sa mataas na halaga ng parehas na pagpapabakuna kontra tigdas sa mga pribadong ospital.
Kaya sa mga Nanay at tagapag-alaga ng inyong mga anak, samantalahin ang programang ito . Pabakunahan na ang inyong mga bata upang maayos silang maihanda sa magandang bukas tungo sa pagkakaroon ng produktibong henerasyon sa hinaharap.
Tandaan, BATANG MINDORENO DAPAT PROTEKTADO!
