State Reception, handog ng Pamahalaang Panlalawigan kay His Excellency Archbishop Charles John Brown, D.D.

August 6, 2026 | News by PISD

𝗦𝘁𝗮𝘁𝗲 𝗥𝗲𝗰𝗲𝗽𝘁𝗶𝗼𝗻, 𝗛𝗮𝗻𝗱𝗼𝗴 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻 𝗸𝗮𝘆 𝗛𝗶𝘀 𝗘𝘅𝗰𝗲𝗹𝗹𝗲𝗻𝗰𝘆 𝗔𝗿𝗰𝗵𝗯𝗶𝘀𝗵𝗼𝗽 𝗖𝗵𝗮𝗿𝗹𝗲𝘀 𝗝𝗼𝗵𝗻 𝗕𝗿𝗼𝘄𝗻, 𝗗.𝗗.

06 Agosto 2026, Lungsod ng Calapan – Mainit na pagsalubong ang inihandog ng mga lokal na opisyal ng lalawigan ng Oriental Mindoro sa pagdating ni His Excellency Archbishop Charles John Brown, D.D., Apostolic Nuncio to the Philippines at Dean of the Diplomatic Corps kasama ang kanyang delegasyon sa pamamagitan ng isinagawang state reception ngayong ika-06 ng Agosto sa Ballroom Hall ng Oriental Mindoro Heritage Museum, Lungsod ng Calapan.

Pinangunahan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor, kasama sina Unang Ginang Hiyas Govinda Ramos-Dolor at Bise-Gobernador Antonio S. Perez Jr. ang pagtanggap sa mga panauhin.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gob. Dolor na ang pagtitipong ito ay higit pa sa pagbibigay-pugay sa isa sa mataas na kinatawan ng Simbahang Katolika. Aniya, ito ay sumasalamin sa pagpapatibay ng ugnayan ng pamahalaan at Simbahan sa pagsusulong ng pagkakaisa, kapayapaan at patuloy na paglilingkod sa sambayanang Pilipino.

Sinusugan naman ito ni Papal Nuncio Brown sa kanyang naging mensahe. Aniya, bagaman at magkaiba ang tungkulin ng pamahalaan at Simbahan, iisa naman ang kanilang layunin, ang paglingkuran ang sambayanan. Dahil dito, hinihikayat niya ang lahat na magkaisa upang maitaguyod ang isang patas at makatarungang lipunan.

Samantala, buong pwersa ring nagpahayag ng mainit na pagtanggap ang 12th SP sa pangunguna ni Bise-Gob. Perez sa pagdating ng Apostolic Nuncio sa pamamagitan ng kanilang pinagtibay na Provincial Resolution No. 8497 series of 2026 na may titulong “”A Provincial Resolution Extending the Warmest Welcome of the Province of Oriental Mindoro to His Excellency Archbishop Charles John Brown, D.D., Apostolic Nuncio to the Philippines, on the Occasion of His Official Visit to the Province and Commemorating the Historic Canonical Erection of the Roman Catholic Diocese of Calapan.”

Bilang kinatawan ni Pope Leo XIV, ang Apostolic Nuncio ang mangunguna sa kanonikal na pagtatatag ng bagong Diyosesis ng Calapan at sa pagtatalaga kay Obispo Moises M. Cuevas bilang kauna-unahang Obispo nito.

Nakiisa rin sa gawain sina Bokal Atty. Rolando H. Ruga, Bokal Ryan Z. Arago, Bokal Alexandra Casubuan-Tan, Bokal Carlos Votaire S. Brucal, Bokal Atty. Emmanuel S. Buenaventura, Bokal Ronalee E. Leachon, Bokal Marion Francis D. Marcos, San Teodoro Mayor Karen Miranda, Victoria Mayor Richard Inciong, Gloria Mayor Teresita Ong, Pinamalayan Mayor Rodel Magsino, PNP Provincial Director PCOL Edison V. Revita, miyembro ng hudikaturang sangay ng pamahalaan, at mga hepe at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio R. Turano II.

Source: https://www.facebook.com/share/p/18y9LbKknS/

Scroll to Top