August 4, 2026 | News by PISD

𝗣𝗿𝗼𝘆𝗲𝗸𝘁𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗺𝗽𝗮𝗮𝗿𝗮𝗹𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗟𝘂𝗺𝗮𝗻𝗴𝗯𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗘𝗹𝗲𝗺𝗲𝗻𝘁𝗮𝗿𝘆 𝗦𝗰𝗵𝗼𝗼𝗹, 𝗺𝗮𝗶𝘀𝗮𝘀𝗮𝗸𝗮𝘁𝘂𝗽𝗮𝗿𝗮𝗻 𝗻𝗮
04 Agosto 2026, San Teodoro – Matapos ang pamamahagi ng tig-10 kilong bigas sa mga pamilya sa bayan ng San Teodoro, binisita naman ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ang Lumangbayan Elementary School (LES) ngayong ika-4 ng Agosto upang isapinal ang proyektong kanyang ipinangako sa naturang paaralan.
Mainit na sinalubong ng Old Town Pride Drums and Glockenspiel Band ng naturang paaralan si Gob. Dolor.
Bitbit ni Gob. Dolor sa kanyang pagbisita ang magandang balita para sa naturang paaralan. Aniya, mayroon nang nakalaang pondo upang mapasimulan ang konstruksyon ng kanilang bagong gymnasium.
Matatandaang ito ang naging kahilingan ni Izumi Bae, isang mag-aaral ng LES nang tanungin siya ng Punong lalawigan sa nais nitong proyekto para sa kanyang paaralan.
Si Izumi ang pinakamaliit sa kanilang banda na nagtanghal sa Drums and Glockenspiel Band Competition noong nakaraang taong 2025 na kinaaliwan at kinagiliwan ng mga manonood.
Ang Drums and Glockenspiel Band Competition ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 araw ng Oriental Mindoro.
Dahil dito, lubos na ikinatuwa ng mga guro at mag-aaral ng naturang paaralan ang biyayang nagmula lamang sa isang kahilingan na ngayon ay magiging isa nang ganap na katuparan.
