August 1, 2026 | News by PISD

BASAHIN: Matagal-tagal ding oras ang bibilangin bago marating ng sasakyan ang Sitio Sigaw, Barangay Lisap, Bongabong kung saan matatagpuan ang pamayanan ng mga katutubong Mangyan Buhid.
Sa lugar na ito may isang simple at napakaliit na bahay pulungan na walang dingding. Dito tinitipon ni GIP Educator Lea G. Benito ang mga kababaihan at ilang kalalakihang nag-aaral sa ilalim ng Zero Illiteracy and Innumeracy Program (ZIIP).
Simpleng pagbasa, pagsulat at pagbilang ang konsepto nito na may malaking tulong sa isang indibidwal na natututo.
Kapansin-pansin na may mga inang kandong ang kanilang sanggol habang hawak ang lapis; may mga kamay na mas sanay humawak ng itak at magbungkal ng lupa sa bukid, ngunit ngayo’y matapang nang sumusulat sa learning materials ni Madam Lea.
May mga maeedad na ding di nagpapigil na matuto, aktibong sumunod sa gabay ng kanilang guro. Ang kanilang hangarin ay tulad din ng maraming katutubo, ang magamit ang natutuhan sa pagbilang ng kita, pagbebenta ng ani, at unti-unti’y ang kanilang tinatanaw na balang araw, kasama ang kanilang mga kapamilya ay magkakaroon sila ng mas maayos na kinabukasan.
Sa bawat letrang kanilang utay-utay na nababasa ngayon at numerong kanilang unti-unting nauunawaan, napapalitan ito ng pag-asa na dati rati’y para sa kanila ito ay puro pangamba lamang dahil sa kawalan ng kaalaman.
Marahil panahon na para umangat ang antas ng kanilang kaalaman. Hindi man ito biglaan, ang mahalaga may mga unang hakbang na tungo sa karunungan na magsisilbing gabay sa mas mataas pang antas nito bilang tugon sa adhikaing matuldukan na ang kawalan ng sapat na batayang edukasyon.

