July 30, 2026 | News by PISD

“𝗔𝗻𝗴 𝗵𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮 𝗻𝗴 𝗭𝗜𝗜𝗣 𝘀𝗮 𝗯𝘂𝗵𝗮𝘆 𝗻𝗶 𝗡𝗮𝗻𝗮𝘆 𝗥𝗼𝘀𝗶𝗲”
May mga pangarap na pansamantalang naiisantabi ngunit kailanman, hindi nawawala.
Ito ang prinsipyo ni Nanay Rosie Ayungan, 56, isang katutubong Hanunuo Mangyan ng Barangay San Roque, Bulalacao.
Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral noon sa maraming kadahilanan, hanggang siya ay nagkapamilya.
Sa mga nakalipas na taon, diskarte ang naging sandigan ni Nanay Rosie upang maitaguyod nang mag-isa ang kanyang anak.
Masayahin siya at buo ang loob na makihalubilo sa iba. Sinanay daw niya ang kanyang sarili dahil kailangan ito lalo na sa kanyang paghahanap-buhay – ang paggawa ng accessories mula sa beads o manik.
Sa bawat bagay na kanyang nalilikha mula sa maliliit na butil, unti-unti rin niyang binubuo ang kanilang kinabukasan.
Marunong siyang magkwenta. Alam niya ang halaga ng bawat puhunan at kita. Ngunit may isang bagay na matagal niyang hinangad, ang maisulat ang mga numerong dati’y sa isip lamang niya naitatala.
Kaya ngayon, isa siya sa mga mag-aaral sa ilalim Zero Illiteracy and Innumeracy Program (ZIIP) ng Pamahalaang Panlalawigan.
Ang ZIIP ay isa sa mga programang personal na kinonsepto ni Governor Bonz Dolor, na sinuportahan ng Department of Labor and Employment (DOLE), upang maturuan ang mga Katutubong Mangyan na hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral na bumasa, sumulat, at bumilang.
Dito, unti-unti niyang natututunan ang pagsusulat at ang pagbibilang nang mas sistematiko. Katulad ito ng unti-unti rin niyang pagsusulat ng panibagong kabanata ng kanyang buhay.
Sa pagbisita ni PGDH-PESO Manager Antonio Magnaye Jr. sa kanilang learning group sa Barangay San Roque, naging sentro ng kanilang kwentuhan ang pag-asang hatid ng edukasyon at ang kanyang munting pinagkakakitaan.
Para kay Nanay Rosie, hindi hadlang ang edad para matuto. Ang tunay na hadlang ay ang pagsuko.
Sa bawat letrang kanyang unti-unti nang naisusulat ngayon, mas lalo niyang napatutunayan na hindi pa huli ang lahat para siya at kanyang mga kasama ay mangarap pa nang mas mataas.
“𝘚𝘢𝘭𝘢𝘮𝘢𝘵 𝘱𝘰 𝘎𝘰𝘷. 𝘉𝘰𝘯𝘻 𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘋𝘖𝘓𝘌 𝘴𝘢 𝘮𝘢𝘭𝘢𝘴𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘢𝘵 𝘱𝘢𝘨𝘮𝘢𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭 𝘯𝘢 𝘪𝘱𝘪𝘯𝘢𝘱𝘢𝘥𝘢𝘮𝘢 𝘯𝘺𝘰 𝘴𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘥 𝘯𝘢𝘮𝘪𝘯 𝘯𝘢 𝘬𝘢𝘮𝘪 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘵𝘶𝘵𝘰 𝘥𝘪𝘯 𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘴𝘶𝘭𝘢𝘵, 𝘱𝘢𝘨𝘣𝘢𝘴𝘢 𝘢𝘵 𝘱𝘢𝘨𝘣𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨 …” wika ni Nanay Rosie.

