July 24, 2026 | News by PISD

PRE-PROCUREMENT CONFERENCE PARA SA MAHIGIT P407M PROYEKTO SA ILALIM NG PRDP NA IPATUTUPAD NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, ISINAGAWA
24 Hulyo 2026, Lungsod ng Calapan – Isinasagawa ang pre-procurement conference kaugnay sa proyektong Concreting of Merit- Concepcion, Victoria- Ma. Concepcion- Happy Valley- Bugtong na Tuog, Socorro Farm-to-Market Road (FMR) with Bridge, isa sa mga pangunahing imprastrakturang nakapaloob sa Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up ng Department of Agriculture (DA) na nakatakdang ipatupad sa lalawigan.
Layunin ng pagpupulong na ihanda ang proseso ng procurement bago ang pagbubukas ng bidding para sa proyekto na nakatakdang isagawa sa darating na Agosto 26.
May kabuuang halaga na P407,461,000.00 ang proyekto, kung saan 80 porsyento ng pondo ay magmumula sa loan proceeds ng World Bank, 10 porsyento mula sa Pamahalaang Nasyunal at ang 10 porsyento mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro.
Isasagawa ang bidding alinsunod sa Republic Act No.12009 o ang New Government Procurement Reform Act, at sa procurement regulations ng World Bank para sa mga proyektong pinopondohan nito.
Inaasahang matatapos ito sa loob ng 525 calendar days mula sa pagsisimula ng konstruksyon.
Sa pamamagitan ng proyekto, mapapadali ang transportasyon ng mga produktong agrikultural, mababawasan ang gastos sa pagbibiyahe, at mapapalawak ang access ng mga magsasaka mula sa mga nabanggit at karatig barangay patungo sa mga pamilihan.
Sa isinagawang conference, kasama ang mga kinatawan ng PRDP via zoom, tinatalakay ng mga myembro ng Bids and Awards Committee (BAC) sa pangunguna ni BAC Chair at Provincial Administrator Earl Ligorio R. Turano II at BAC Secretariat na pinamumunuan ni Engr. Jollie Ver Lasic, Administrative Officer V ng Office of the Governor, Procurement Division, ang mga detalye ng bidding documents alinsunod sa umiiral na procurement laws at World Bank procurement regulations para sa kahandaan bago ang implementasyon ng proyekto.
Mahigpit na tagubilin ni PA Turano na itiyak na tama, maayos at transparent ang proseso at ang mga inihahandang dokumento, maging sa pinakamaliliit nitong mga detalye.
