July 20, 2026 | News by PISD

𝗣𝗮𝗺𝗽𝘂𝗯𝗹𝗶𝗸𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗱𝗶𝗻𝗶𝗴 𝗵𝗶𝗻𝗴𝗴𝗶𝗹 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗹𝗶𝗹𝗶𝗽𝗮𝘁 𝗻𝗴 𝘀𝗲𝗮𝘁 𝗼𝗳 𝗴𝗼𝘃𝗲𝗿𝗻𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻, 𝗜𝘀𝗶𝗻𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝘀𝗮 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗥𝗼𝘅𝗮𝘀
20 Hulyo 2026, Roxas – Bilang bahagi ng lehislatibong proseso sa panukalang paglilipat ng seat of government ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro mula sa Barangay Camilmil patungong Sta. Isabel, Lungsod ng Calapan, nagsagawa ng pampublikong pagdinig ang Sangguniang Panlalawigan (SP) sa Sangguniang Bayan Session Hall ng Roxas ngayong ika-20 ng Hulyo.
Pinangunahan ni SP Committee on Laws, Ordinances and Legal Matters Chairperson at Bokal Rolando H. Ruga ang naturang pagdinig na dinaluhan ng mga lider ng barangay, mga kinatawan mula sa Civil Society Organizations (CSOs) at iba pang stakeholders sa Segunda Distrito upang magpahayag ng kanilang pananaw, mungkahi at posisyon sa naturang panukala.
Ang gawaing ito ay bahagi ng pagtalima ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga probisyon ng Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991, na nagtataguyod ng partisipasyon ng publiko sa proseso ng pagbuo at pagpapasa ng mga lokal na ordinansa.
Isa-isa namang sinagot ni Provincial Administrator Earl Ligorio R. Turano II ang mga katanungan ng mga dumalo sa pagdinig.
Inilahad din niya ang mga dahilan kung bakit kailangang ilipat ang Kapitolyo sa Sta. Isabel. Aniya, kasama sa layunin ng planong ito ang pagsasama-sama sa iisang lugar ng mga sangay at tanggapan ng pamahalaan kabilang ang ehekutibo, lehislatibo, hudikatura at mga tanggapan ng mga kinatawan sa Kongreso para mapahusay at mailapit ang mga serbisyong kinakailangan ng publiko.
Aniya pa, makatutulong din ito sa pagpapaluwag ng trapiko sa sentrong bahagi ng Lungsod ng Calapan.
Magsasagawa naman ng ikalawang bahagi ng pagdinig bukas, ika-21 ng Hulyo para sa mga taga Unang Distrito na gaganapin sa Sangguniang Panlalawigan, Barangay Camilmil sa Lungsod ng Calapan.
Nagpahayag ng pasasalamat si Acting Governor Antonio S. Perez Jr. sa Sangguniang Bayan ng Roxas, sa pangunguna ni Vice Mayor Robert S. Quiatchon, sa pagpapahintulot na magamit ang kanilang Session Hall para sa gawaing ito.
Samantala, dumalo rin sa pagdinig sina Acting Vice Governor Carlos Voltaire Brucal, Bokal Jomarc Philip E. Dimapilis, Bokal Ryan Z. Arago, Bokal Anthony Yap, Bokal Lagtum Pasag at mga hepe at kawani ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan.
