July 17, 2026 | News by PISD

𝗠𝗴𝗮 𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗔𝗘𝗗𝘀 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻, 𝗺𝗮𝘀 𝗽𝗶𝗻𝗮𝗹𝗮𝗸𝗮𝘀 𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗵𝗮𝗻𝗱𝗮𝗮𝗻 𝗮𝘁 𝗸𝗮𝗹𝗶𝗴𝘁𝗮𝘀𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗺𝗮𝘆𝗮𝗻
17 Hulyo 2026, Lungsod ng Calapan – Sa patuloy na pagdiriwang ng 38th National Disaster Resilience Month at National Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) Day ngayong Hulyo, inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga bagong Automated External Defibrillators (AEDs) sa Kapitolyo.
Isa itong elektronikong pangmedikal na kagamitang naglalabas ng kontroladong electric shock upang matulungang maibalik sa normal na tibok ang puso ng mga taong nakararanas ng cardiac arrest.
Sa pangunguna ni Bise Gobernador Antonio S. Perez, Jr., katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na pinamumunuan ni PGDH-PDRRM Officer Vinscent B. Gahol, inilagay ang mga nasabing AEDs sa mga lugar na madaling makita, madaling maabot, at mabilis na mapupuntahan sa oras ng emerhensiya.
Partikular sa mga kinabitan nito ang Main Lobby ng Kapitolyo, at mga pangunahing gusali ng Sangguniang Panlalawigan, Oriental Mindoro Heritage Museum sa Lungsod ng Calapan at PDRRMO.
Bukod pa rito, nakatakda ring maglagay ng AEDs sa Capitol in the South sa Roxas at sa PDRRMO Operations Center na matatagpuan sa bayan ng Socorro.
Sa naging mensahe naman ni Bise Gobernador Perez, binigyang-diin niya na mahalaga ang pagkakaroon ng kagamitang ito sa paghahanda at pagtitiyak ng kaligtasan ng mga empleyado at mga mamamayan sa panahon ng emerhensiya.
Kasabay ng paglulunsad nito, binigyang-kaalaman din ukol sa tamang paggamit ng AEDs ang Safety Officers mula sa iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan, ospital at National Government Agencies.
