Market Linkage Caravan, pinalakas ang ugnayan ng mga magsasaka at mga pamilihan

July 8, 2026 | News by PISD

🤝 𝗠𝗮𝗿𝗸𝗲𝘁 𝗟𝗶𝗻𝗸𝗮𝗴𝗲 𝗖𝗮𝗿𝗮𝘃𝗮𝗻 𝗣𝗶𝗻𝗮𝗹𝗮𝗸𝗮𝘀 𝗮𝗻𝗴 𝗨𝗴𝗻𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗠𝗮𝗴𝘀𝗮𝘀𝗮𝗸𝗮 𝗮𝘁 𝗠𝗴𝗮 𝗣𝗮𝗺𝗶𝗹𝗶𝗵𝗮𝗻

Mas matatag na ugnayan sa merkado, mas malaking oportunidad para sa mga magsasaka.

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng oportunidad sa pamilihan para sa mga produktong agrikultural, isinagawa ang Market Linkage Caravan noong Hulyo 7, 2026 sa Eduardo’s Resort, Calapan City.

Pinangunahan ang aktibidad ng Department of Agriculture – Agribusiness and Marketing Assistance Division (DA-AMAD) MIMAROPA sa pakikipag-ugnayan sa Provincial Agriculturist’s Office (PAgO). Dinaluhan ito ng mga locator ng Oriental Mindoro Consolidation and Trading Facility (OMCTF) na nagbebenta ng sariwang gulay at prutas, mga Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) na tinutulungan ng DA-AMAD, mga Market Administrator, traders, at iba pang stakeholders.

Sa nasabing caravan, ibinahagi ng Provincial Agriculturist’s Office ang mga programa at serbisyo ng Oriental Mindoro Consolidation and Trading Facility (OMCTF), kabilang ang mahalagang papel nito sa pagpapalawak ng access ng mga magsasaka sa mas organisado at mas matatag na pamilihan. Tinalakay rin kung paano makatutulong ang pasilidad sa pagpapabuti ng marketing, consolidation, at distribusyon ng mga produktong agrikultural ng lalawigan.

Nagbahagi rin ng kanilang karanasan ang Puerto Princesa City Agri Trading Center sa pamamagitan ng presentasyon ng kanilang trading facility, na nagsilbing mahalagang benchmarking opportunity upang makakuha ng mga pinakamahusay na kasanayan sa pagpapatakbo ng mga consolidation at trading facilities.

Isa rin sa mga tampok na paksa ang Republic Act No. 11321 o Sagip Saka Act, kung saan ipinaliwanag ang mga oportunidad na maaaring mapakinabangan ng mga Farmers’ Cooperatives and Associations sa pamamagitan ng direktang pagbebenta ng kanilang mga produkto sa mga ahensya ng pamahalaan. Bilang suporta rito, nagbahagi ang DSWD MIMAROPA, DepEd MIMAROPA, at BJMP MIMAROPA ng kanilang pangangailangan sa sariwang gulay at iba pang produktong agrikultural, kabilang ang tinatayang volume requirements para sa kanilang mga benepisyaryo at mga institusyon.

Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ugnayan ng mga producer at institutional buyers, inaasahang mas mapapalawak ang access ng mga magsasaka sa matatag at napapanatiling merkado, na magbibigay ng mas mataas na kita at mas maraming oportunidad para sa sektor ng agrikultura.

Ang inisyatibong ito ay kaakibat ng patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa ilalim ng pamumuno ni Governor Humerlito “Bonz” A. Dolor at ng Provincial Agriculturist’s Office sa pangunguna ni Provincial Agriculturist Christine M. Pine sa pagsusulong ng mas inklusibo, episyente, at matatag na sistema ng agribusiness at marketing para sa kapakinabangan ng mga magsasaka ng lalawigan.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1TuhVw4kq6/

Scroll to Top