July 7, 2026 | News by PISD

𝗠𝗮𝗵𝗶𝗴𝗶𝘁 ₱ 𝟭𝗠 𝘁𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝘀𝗮 𝗣𝘂𝗲𝗿𝘁𝗼 𝗚𝗮𝗹𝗲𝗿𝗮, 𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝗴𝗸𝗮𝗹𝗼𝗼𝗯 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗹𝗮𝗹𝗮𝘄𝗶𝗴𝗮𝗻
07 Hulyo 2026, Puerto Galera – Bilang pag-agapay sa bayan ng Puerto Galera na kasalukuyang nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig dahil sa nararanasanang El Niño, mahigit ₱ 1M ang halaga ng tulong na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan.
Kasunod ng pagdedeklara ng State of Calamity ng bayan ng Puerto Galera kamakailan, kaagad inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa pangunguna ni PDRRMC Chairperson at Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor sa Sangguniang Panlalawigan (SP), na ipasa ang Resolusyon Bilang 03 series of 2026 upang makapagbigay ng kagyat na tulong sa naturang bayan.
Ilang araw matapos itong aprubahan ng SP, personal na ipinagkaloob ni Gob. Dolor kina Mayor Robinhood D. Ylagan at Vice-Mayor Rocky D. Ilagan, ang ₱ 500,000.00 tulong-pinansyal para sa pambili ng krudo sa paghahatid ng tubig at pagsasagawa ng iba pang emergency response activities at ang ₱ 562,000.00 halaga ng mga hose ng tubig.
Bukod dito, magkakaloob din ang Pamahalaang Panlalawigan ng karagdagang ₱ 250,000.00 na tulong-pinansyal kada-buwan hangga’t hindi pa bumabalik sa normal ang suplay ng tubig sa naturang bayan.
Sa paraang ito, masisigurong patuloy na kaagapay ng Puerto Galera ang Pamahalaang Panlalawigan sa panahon ng krisis sa suplay ng tubig sa kanilang bayan.
Nakiisa naman sa gawain sina Unang Ginang Hiyas Govinda Ramos-Dolor, Bokal Alexandra “Aleli” Casubuan-Tan at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Puerto Galera.
