July 1, 2026 | News by PISD

𝗖𝗼𝗻𝘀𝘁𝗿𝘂𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗺𝗮𝘁𝗲𝗿𝗶𝗮𝗹𝘀, 𝗱𝗼𝗻𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝗚𝗢𝗠 𝘀𝗮 𝟭𝘀𝘁 𝗣𝗠𝗙𝗖
01 Hulyo 2026, Victoria – Personal na ipinagkaloob ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ang construction materials sa 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) na nakabase sa San Isidro, Victoria bilang donasyon ng Pamahalaang Panlalawigan.
Kabilang dito ang 326 na sako ng semento, 300 piraso ng hollow blocks at 30 pirasong bakal.
Ayon kay 1st PMFC Oriental Mindoro Company Commander PLTCOL Aldwin R. Santos, ang mga materyales na ito ay gagamitin nila sa pagsasaayos ng kanilang basketball court.
Mahalagang mapanatili ng mga kapulisan ang kanilang pisikal na kalusugan lalo na ang cardiovascular endurance, bilis at liksi, mga pangunahing katangiang kanilang kinakailangan sa araw-araw na tungkulin.
Dahil dito, patuloy na sinusuportahan ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga proyektong mag-aangat sa kagalingan ng mga kapulisan sa lalawigan.
Samantala, nakiisa at sumuporta rin sa gawain sina Unang Ginang Hiyas Govinda Ramos-Dolor, PNP Provincial Director PCOL Edison V. Revita, Victoria Mayor Richard Inciong at mga Bokal ng Unang Distrito na sina Bokal Alexandra “Aleli” Casubuan-Tan at Bokal Ryan Z. Arago.
