June 29, 2026 | News by PISD

PDRRMO Operations and Warning Division, Nagsagawa ng Pagpupulong para sa Paghahanda sa Bagyong Henry
Nagsagawa ng pagpupulong ang PDRRMO Operations and Warning Division bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng LPA na tatawaging Bagyong Henry sa Lalawigan ng Oriental Mindoro sa mga susunod na oras at araw.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga kaukulang hakbang sa monitoring, warning dissemination, at koordinasyon upang matiyak ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan at ng publiko sakaling maranasan ang masamang panahon dulot ng bagyo.
Ayon sa mga paunang pagtataya, ang pangunahing panganib na maaaring idulot ng Bagyong Henry ay ang malalakas na pag-ulan na maaaring magresulta sa pagbaha, flash flood, at pagguho ng lupa sa mga bulubunduking lugar. Dahil sa kasalukuyang tuyong kondisyon ng kalupaan, may posibilidad na hindi agad masipsip ng lupa ang malaking dami ng ulan, na maaaring magpalala ng mabilisang pag-agos ng tubig sa mga mababang lugar at tabing-ilog.
BABALA SA PUBLIKO:
Patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather advisories at babala mula sa mga kinauukulang ahensya.
Maging alerto lalo na ang mga residente sa mga lugar na madalas bahain, tabing-ilog, at landslide-prone areas.
Ihanda ang mga emergency go bag at mahahalagang dokumento.
Iwasan ang pagtawid sa mga baha at rumaragasang tubig.
Sumunod agad sa mga kautusan ng lokal na pamahalaan kung kinakailangan ang pre-emptive evacuation.
Ang PDRRMO Oriental Mindoro ay nananatiling nakaantabay at patuloy na nagsasagawa ng monitoring upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Mindoreño.
