Inklusibong kooperatiba, isinusulong ng PCDO

June 29, 2026 | News by PISD

𝗜𝗻𝗸𝗹𝘂𝘀𝗶𝗯𝗼𝗻𝗴 𝗸𝗼𝗼𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝗯𝗮, 𝗶𝘀𝗶𝗻𝘂𝘀𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗣𝗖𝗗𝗢

29 Hunyo 2026, Roxas-Pagkakaroon ng inklusibo at patas na pagtrato sa bawat miyembro ng kooperatiba sa kabila ng kanilang kasarian ang isinusulong ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO).

Ito ang naging layunin ng Gender Sensitivity Training and the Safe Spaces Act (Republic Act No. 11313) na pinangunahan ni PGDH-PCDO Orlando B. Tizon ngayong araw sa Capitol in the South, Brgy. Paclasan, Roxas.

Dito, binigyang-kaalaman ang mga miyembro ng mga kooperatiba mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan ukol sa kanilang responsibilidad upang matulungang mabawasan, kung hindi man tuluyang mapigilan, ang mga insidente ng hindi pagkakapantay-pantay na pagtrato at pakikipagkapwa dulot ng diskriminasyon sa kasarian.

Sa naging mensahe ni PCD Officer Tizon, binigyang-diin niya na hindi dapat nagiging basehan ng maayos na pakikitungo at pagrespeto ang pagiging babae o lalaki ng isang tao.

Gayundin, ipinahayag ni Mindoro State University Associate Professor II Dr. Bernadeth P. De Guzman na hindi lamang mga kababaihan ang pinangangalagaan ng Gender and Development (GAD), kundi pinalalakas nito ang lahat ng mga kasarian upang magkaroon ng patas na pagbibigay ng karapatan, oportunidad at benepisyo.

Hinikayat naman ni Provincial GAD Focal Point System-Technical Working Group (PGFPS-TWG) Chairperson Atty. Jean Phebie G. De Mesa ang mga dumalo na makiisa sa pagpapalawig ng GAD sa kanilang samahan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga polisiyang mangangalaga sa karapatan ng bawat isa.

Kabilang naman sa mga dumalo ang mga kinatawan mula sa Municipal Cooperative Development Office (MCDO) ng iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1Bt4XaEkCm/

Scroll to Top