June 27, 2026 | News by PISD

Binigyang-pugay ng Pamahalaang Panlalawigan si Nanay Delia Evangelista na nagdiwang ng kaniyang ika-100 taon kasama ang kaniyang pamilya sa Brgy. Banus, Gloria.
Kasabay nito, personal siyang binisita ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor at First Lady Hiyas Govinda – Ramos Dolor sa mismong araw ng kaniyang kaarawan.
Bitbit ng Ama ng Lalawigan ang Php100,000.00 insentibo, Sertipiko ng Pagkilala at bulaklak na ipinagkaloob kay Nanay Delia, tanda ng pagpapahalaga sa kaniyang kontribusyon bilang isa sa mga natatanging mamamayan ng lalawigan at inspirasyon ng malusog na pamumuhay sa kaniyang pagtungtong sa isang siglong buhay.
Bagama’t hindi na nakakakita ang kaniyang mga mata, malakas pa ang pandinig at masiglang nakipagkwentuhan si Nanay Delia kay Gob. Dolor.
Ayon din sa kaniyang anim na mga anak, kaya pa ng kanilang ina na maligo at kumain nang mag-isa, at makapaglakad-lakad sa palibot ng kanilang tahanan.
Anila pa, madalas na pagkain ng gulay tulad ng nilagang malunggay at kalabasa at bihirang pagkain ng karne ang naging sikreto ng kanilang ina sa mahabang buhay nito.
Inilarawan naman si Nanay Delia ng kaniyang mga anak bilang “Best Mom in the World” dahil sa mga katangian nito bilang mapagmahal, maalaga at maalalahaning ina.
Katuwang naman sa gawain ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pinamumunuan ni PGDH-PSWDO Zarah Magboo at Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pangunguna ni Special Assistant on Senior Citizens Affairs Esther Malapitan.
Dumalo rin dito si Brgy. Pag-Asa, Bansud Senior Citizens Federation President Fe Sitjar.
