June 26, 2026 | News by PISD

Higit na pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga programang nagtataguyod sa maagang pag-unlad ng mga bata sa pamamagitan ng patuloy na pagsuporta at pagkilala sa mahalagang papel ng mga Child Development Workers sa komunidad.
Isinagawa ngayong araw ang Provincial Child Development Workers Week Celebration na may temang, “Child Development Workers, Haligi ng Maagang Edukasyon, Gabay sa Matatag na Kinabukasan ng Kabataan.”
Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), sa pamumuno ni PSWD Officer Zarah C. Magboo, ang naturang programa.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang Orientation on the Operationalization of the System for Prevention, Early Identification, Referral, and Intervention of Delays, Disorders, and Disabilities in Early Childhood (PEIRIDDDEC). Tinalakay ito ni Mary Rose D. Dilay, Division Coordinator for Special Needs Education (SNED), Kindergarten, and Multigrade Education, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagap na pagtukoy at tamang interbensyon sa mga batang may developmental delays o kapansanan. Binigyang-lalim din niya ang mensaheng, “If we change the beginning of the story, we change the whole story,” na nagpapakita ng malaking epekto ng tamang paggabay sa unang yugto ng buhay ng isang bata.
Dinaluhan ang selebrasyon ng humigit-kumulang 700 Child Development Workers mula sa iba’t ibang bayan ng Oriental Mindoro, kasama ang mga kinatawan mula sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Provincial Health Office (PHO).
Nakiisa rin sa pagdiriwang si Board Member Bong Brucal bilang suporta sa patuloy na pagpapaunlad ng sektor ng early childhood care and development sa lalawigan.
Bilang pagkilala sa kanilang natatanging paglilingkod, pinarangalan din sa programa ang mga Child Development Workers na nagpakita ng kahusayan, dedikasyon, at makabuluhang ambag sa pagsusulong ng maagang pag-unlad at kapakanan ng mga batang kanilang tinuturuan.
