June 26, 2026 | News by PISD

Kinoronahan si Karyl Aduana Borlongan mula sa Lungsod ng Calapan bilang Oriental Mindoro Queen 2026. Siya rin ang kinilala bilang Best in Swimsuit at 2nd Best Talent.
Samantala, wagi bilang Oriental Mindoro Queen Tourism si Cassey Caungca ng Pinamalayan na nakuha rin ang Best in Long Gown, 1st in Festival Wear at Miss Photogenic.
Oriental Mindoro Mahaltana Queen 2026 naman ang titulong nakamit ni Jedah Ortega na kinatawan ng Victoria.
Samantala, nakuha ni Rusty Ivan F. Populi ng San Teodoro ang pwesto bilang 1st Princess, 1st Best in Talent at 2nd Best in Festival Wear habang 2nd Princess naman si Lexie Meris mula sa bayan ng Bongabong.
Nagkamit din ng Minor Awards si Zai Goleña Selorio ng Mansalay bilang Ms. Congeniality habang Best in Talent Champion naman ang kinatawan mula sa bayan ng Gloria na si JP Relin Tolentino.
Bahagi ang Miss Oriental Mindoro Queen 2026 ng pagdiriwang ng Pride Month ngayong Buwan ng Hunyo para sa mga miyembro ng LGBTQIA+.
Sinuportahan naman ito ng administrasyon ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Php247,000.00 para sa nasabing kompetisyon.
Sa kaniyang naging mensahe, ipinahayag ni First Lady at Miss Oriental Mindoro Charities, Inc. President Hiyas Govinda Ramos-Dolor na nararapat lamang na magkaroon ng inklusibong komunidad para sa lahat sapagkat ang bawat isa aniya’y may karapatang irespeto, pahalagahan at ipamalas ang kanilang galing.
Magkatuwang namang pinangasiwaan ang gawain ng Provincial Tourism Office na pinamumunuan ni Provincial Tourism Officer Dhon Stepherson Calda at ng Oriental Mindoro Pride Council sa pangunguna ni Chairperson Josh Barrientos.
