June 26, 2026 | News by PISD

TINGNAN: Ayon sa ulat na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MIMAROPA, nakapagtala ngayong taon ng 425 na bilang ng Tamaraw batay sa isinagawang 2026 Annual Tamaraw Population Count noong Abril sa Mounts Iglit Baco Natural Park (MIBNP).
Ang 425 na bilang ng Tamaraw na naitala ngayong taon ay mas mataas kumpara sa 380 Tamaraw na naitala noong nakaraang taon. Ang bilang ay tumutukoy lamang sa populasyon sa loob ng MIBNP. Bukod dito, may iba pang mga kumpirmadong tirahan ng Tamaraw na binabantayan tulad ng iminumungkahing Siburan–Aruyan–Dangari–Iyason–Kinarawan (SADIK) Critical Habitat sa bayan ng Sablayan at ang Upper Amnay Watershed na matatagpuan malapit sa boundary ng Sablayan, Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.
Binigyang-diin din sa ulat ng DENR na sa pagbibilang ngayong taon, lahat ng vantage points sa loob ng MIBNP ay nakapagtala ng bilang ng Tamaraw, kabilang na ang mga lugar na walang naitalang bilang noong nakaraang taon. Ayon pa sa DENR, nagpapakita ito ng patuloy na pagdami ng populasyon ng Tamaraw sa isla.
Ginamit ang Simultaneous Multi-Vantage Point Count Method sa taunang pagbibilang ng Tamaraw na pinangunahan ng DENR, sa pamamagitan ng Tamaraw Conservation Program Office, at ng MIBNP Protected Area Management Office, kasama ang mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan, academic institutions, non-government organizations, mga katutubong pamayanan at iba pang partner agencies.
![]()
![]()
DENR MIMAROPA
