Gabay sa seguridad sa pananalapi, ibinahagi sa mga empleyado ng Kapitolyo

June 16, 2026 | News by PISD

𝐆𝐚𝐛𝐚𝐲 𝐬𝐚 𝐒𝐞𝐠𝐮𝐫𝐢𝐝𝐚𝐝 𝐬𝐚 𝐏𝐚𝐧𝐚𝐧𝐚𝐥𝐚𝐩𝐢, 𝐈𝐛𝐢𝐧𝐚𝐡𝐚𝐠𝐢 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐄𝐦𝐩𝐥𝐞𝐲𝐚𝐝𝐨 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐩𝐢𝐭𝐨𝐥𝐲𝐨

16 Hunyo 2026, Lungsod ng Calapan – “𝙀𝙖𝙧𝙣, 𝙎𝙖𝙫𝙚, 𝙄𝙣𝙫𝙚𝙨𝙩, 𝙋𝙧𝙤𝙩𝙚𝙘𝙩, 𝙖𝙣𝙙 𝙂𝙧𝙤𝙬 𝙈𝙤𝙣𝙚𝙮.”

Ito ang naging pangunahing mensahe at praktikal na gabay na ibinahagi sa ginanap na Financial Literacy Seminar para sa mga empleyado ng Provincial Government of Oriental Mindoro (PGOM) ngayong araw.

Layunin ng aktibidad na mahikayat ang mga kawani na magkaroon ng mas matatag na pundasyon sa paghawak ng pananalapi upang makamit ang mas maayos at mas ligtas na kinabukasan para sa kanilang sarili at pamilya.

Dinaluhan ito ng humigit-kumulang 160 empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan.

Naging tagapagsalita si Mark Jayson D. Lualhati, Trade-Industry Development Specialist ng Department of Trade and Industry (DTI).

Binigyang-diin ni Lualhati ang kahalagahan ng tamang pagbabadyet ng kita, regular na pag-iimpok, maingat na pamumuhunan, at pagkakaroon ng sapat na proteksiyong pinansyal upang maging handa sa mga hindi inaasahang pangyayari.

Hinikayat din niya ang mga kawani na magtakda ng malinaw na financial goals, umiwas sa labis na paggastos at pagkakautang, at ugaliing maglaan ng emergency fund bilang pundasyon ng matatag na kalagayang pinansyal.

Pinangasiwaan ang gawain ng mga kawani ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) sa ilalim ng pamumuno ni PHRM Officer Anna Marie D.C. Reyes, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod sa pangkalahatang kapakanan ng mga kawani.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1EUCm8YrZo/

Scroll to Top