June 12, 2026 | News by PISD

Pamahalaang Panlalawigan, nakiisa sa paggunita ng Ika-128 Araw ng Kalayaan
12 Hunyo 2026, Lungsod ng Calapan – Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan sa paggunita sa Ika-128 pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan sa Kapitolyo.
Tumutok ito sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.”
Binigyang-diin ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor sa kaniyang mensahe na ang paggunita sa kalayaan at ang paggampan upang makagawa ng magandang kinabukasan ang magiging kasaysayan ng bawat isa.
Aniya pa, nasa kamay ng bawat isa kung paano natin iguhit o ipinta ang kasaysayang nais nating marating.
“Nawa ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan na ginagawa natin taun-taon ay hindi lamang maging compliance, nawa’y ang ipinapakita natin ngayong umaga ay isang dakilang pagpapahayag ng pakikiisa natin sa kalayaan upang iguhit ang kinabukasan at magkaroon ng isang makulay na kasaysayan bilang isang bansa,” ang hamon ni Gobernador Bonz sa kaniyang mga kapwa lingkod bayan.
Hinikayat naman ni Bise Gobernador Antonio S. Perez Jr. ang bawat isa na makibahagi upang mapangalagaan ang kalayaan na tinatamasa ngayon.
Pinangunahan nina Gob. Bonz at Bise Gob. Perez, kasama sina Board Member Ronalee Leachon at mga hepe ng mga tanggapan sa Kapitolyo, ang pag-aalay ng bulaklak sa commemorative marker sa may flag pole area ng Kapitolyo na pinaglibingan ng mga labi ng lumang watawat noong nakaraang taon.
Naging tampok sa pagdiriwang ang pagkilalang natanggap ng Pamahalaang Panlalawigan mula sa Department of the Interior and Local Government bilang isa sa Top 10 na mga lalawigan sa Subaybayani National Award 2025. Ito ay iginagawad sa mga lokal na pamahalaan na nagpapakita ng kahusayan sa pamamahala ng imprastraktura, transparency, pananagutan at pakikilahok ng mamamayan.
Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang pagkikilala sa mga indibidwal na nagbigay ng karangalan at inspirasyon sa lalawigan.
Kinilala si Jhofel Evangelista bilang Employee of the Month na tumanggap ng ₱25,000 at sertipiko ng pagkilala.
Sa larangan ng sports, tumanggap ng ₱5,000 at sertipiko ng pagkilala si South East Asian Youth Championships Xyra Malaluan na nagkamit ng Bronze medal.
Kinilala rin sina Palarong Pambansa 2026 Taekwondo bronze medalists Mary Brigette Iguiron ng John Paul College, Roxas at King Robin Driz ng St. Joseph Academy, Bongabong. Tumanggap sila ng tig-₱50,000 at sertipiko ng pagkilala. Tumanggap din ng tig ₱5,000 ang kanilang mga coach.
Bilang pagkilala sa pagsasakripisyo ng itinuturing na mga bagong bayani, pinagkalooban din ng ₱10,000 pinansyal na tulong ang 15 unang batch ng mga dating Overseas Filipino Workers (OFW).
