PAgO, nakiisa sa OMMAA para sa higit na pagpapalawig ng mga oportunidad para sa mga magsasakang Mindoreño

June 11, 2026 | News by PISD

𝗣𝗔𝗴𝗢 𝗝𝗼𝗶𝗻𝘀 𝗢𝗠𝗠𝗔𝗔 𝘁𝗼 𝗘𝘅𝗽𝗮𝗻𝗱 𝗠𝗮𝗿𝗸𝗲𝘁 𝗢𝗽𝗽𝗼𝗿𝘁𝘂𝗻𝗶𝘁𝗶𝗲𝘀 𝗳𝗼𝗿 𝗠𝗶𝗻𝗱𝗼𝗿𝗲ñ𝗼 𝗙𝗮𝗿𝗺𝗲𝗿𝘀

Mas malawak na merkado ang susi sa mas mataas na kita ng mga magsasaka.

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng market reach ng Oriental Mindoro Consolidation and Trading Facility (OMCTF), nakibahagi ang Provincial Agriculturist’s Office (PAgO) sa 2nd Quarter Meeting ng Oriental Mindoro Market Administrators Association (OMMAA) noong Hunyo 11, 2026 sa Pinamalayan, Oriental Mindoro.

Sa nasabing pagpupulong, ipinresenta ng PAgO ang OMCTF at ang mahalagang papel nito sa pagpapalakas ng market linkages para sa mga magsasaka ng lalawigan. Tinalakay rin kung paano makatutulong ang mga pampublikong pamilihan sa pagpapalawak ng distribusyon at market opportunities ng mga produktong agrikultural ng Oriental Mindoro sa pamamagitan ng mas organisado at episyenteng sistema ng consolidation at trading.

Sa pakikipagtulungan ng OMMAA at mga market administrators mula sa iba’t ibang bayan, inaasahang mas mapapalawak ang akses ng mga produktong Mindoreño sa mga pamilihan, mapatatatag ang supply chain, at makalilikha ng mas maraming oportunidad para sa mga lokal na magsasaka.

Ang aktibidad ay naisakatuparan sa suporta ng Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro sa pangunguna ni Provincial Director Arnel E. Hutalla, katuwang ang OMMAA sa pagsusulong ng mga inisyatibang magpapalakas sa lokal na kalakalan at sektor ng agrikultura.

Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, sa pamumuno ni Governor Humerlito “Bonz” A. Dolor, sa pamamagitan ng Provincial Agriculturist’s Office na pinangungunahan ni Provincial Agriculturist Christine M. Pine, ang pagpapalawak ng merkado ng OMCTF upang makapagbigay ng mas maraming oportunidad at mas mataas na kita para sa mga magsasakang Mindoreño.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1Y9GAeTpLy/

Scroll to Top