Credit at Financing Opportunities, inilalapit ng PCDO sa mga Mindoreñong Kooperatiba at negosyante

June 11, 2026 | News by PISD

Credit at Financing Opportunities, Inilalapit ng PCDO sa mga Mindoreñong Kooperatiba at Negosyante 🏛️💼💰🤝📈

ROXAS, Oriental Mindoro – Bilang bahagi ng patuloy na programa ng Provincial Cooperatives Development Office (PCDO) Oriental Mindoro sa pagpapalawak ng akses sa puhunan at serbisyong pampinansyal, isinasagawa ang ikalawang batch ng Financing Access Forum for Cooperatives and Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) noong Hunyo 10, 2026 sa Capitol in the South (CITS) sa Roxas, Oriental Mindoro.

Sa pangunguna ni Orlando B. Tizon, PGDH–PCDO, layunin ng forum na matulungan ang mga kooperatiba at MSMEs na mas maunawaan at mapakinabangan ang iba’t ibang financing programs, loan facilities, at credit assistance na iniaalok ng mga ahensya ng pamahalaan at mga institusyong pinansyal. Bahagi ito ng mas malawak na tungkulin ng PCDO sa pagtulong sa mga kooperatiba na magkaroon ng mas madaling akses sa kapital para sa pagpapalawak ng kanilang mga operasyon at negosyo.

Ang mga resource persons sa aktibidad ay sina Mr. Ronnie Delgado ng SB Corp–DTI Oriental Mindoro, Mr. Ramezes Torres ng DOLE Oriental Mindoro, at Ms. Maribel Buela kasama ang kanyang team mula sa Lending Center ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK). Ibinabahagi nila ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mga loan facilities, financing programs, livelihood assistance, at iba pang suportang maaaring mapakinabangan ng mga kooperatiba at MSMEs.

Alinsunod sa layunin ni Governor Humerlito A. Dolor na mailapit ang mga programa at serbisyo ng pamahalaang panlalawigan sa mga mamamayan, ginaganap ang forum sa Capitol in the South (CITS), na patuloy na pinaiigting bilang sentro ng paghahatid ng mga serbisyong pampubliko at mga gawaing pangkaunlaran sa Ikalawang Distrito.

Isinasagawa ang aktibidad sa pangangasiwa ng PCDO at sa suporta ng mga Cooperative Development Officers (CDOs) ng Ikalawang Distrito, na katuwang sa koordinasyon at mobilisasyon ng mga kalahok. Patuloy na ginagampanan ng PCDO ang mahalagang papel nito sa pagpapadali ng financing access at credit extension, upang higit na mapalakas ang kakayahan ng mga kooperatiba at MSMEs na makalikom ng puhunan, makapagpalawak ng operasyon, at makapag-ambag sa kaunlarang pang-ekonomiya ng Oriental Mindoro.

#pcdo2026#pcdoOrmin#financingaccess#financing

Source: https://www.facebook.com/share/p/18NXkFshJk/

Scroll to Top