June 1, 2026 | News by PISD

PAGBABAYANIHAN, TAMPOK SA DIVISION BRIGADA ESKWELA 2026 KICK-OFF
01 Hunyo 2026, Puerto Galera – Ipinakita at ipinadama ang diwa ng pagkakaisa sa opisyal na paglulunsad ng Division Brigada Eskwela 2026 Kick-Off ng Department of Education (DepEd) Schools Division of Oriental Mindoro na ginanap sa Puerto Galera National High School (PGNHS).
Layunin ng Brigada Eskwela na matiyak ang ligtas, malinis, at handang kapaligiran sa pagkatuto para sa lahat ng mga mag-aaral. Higit pa rito, nilalayon nitong palakasin ang kultura ng bayanihan at aktibong pakikilahok ng komunidad sa pagsusulong ng kalidad na edukasyon.
Pinangunahan ni Schools Division Superintendent Dr. Maria Luisa D. Servando, PhD, CESO VI ang programa na dinaluhan ng iba pang opisyal ng Schools Division Office, lokal na pamahalaan, konsernadong ahensya ng Pamahalaang Nasyunal, pribadong sektor, civic organizations, religious groups, mga magulang, mga kabataang mag-aaral at iba pang stakeholders na nagkaisa upang ihanda ang pagbubukas ng Taong Panuruan 2026–2027.
Muling namang ipinadama ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro na pinamumunuan ni Governor Bonz Dolor, ang suporta nito sa edukasyon sa pamamagitan ni PGDH-PESO Manager Antonio Magnaye Jr. bilang kanyang opisyal na kinatawan. Sa kanyang mensahe, ipinaabot niya ang patuloy na pakikiisa ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga programa ng DepEd at ang mga inisyatibang nakatuon sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Nakiisa sa programa sina Puerto Galera Vice-Mayor Rocky Ilagan, at mga myembro ng Sangguniang Bayan, Department of Labor and Employment (DOLE)- Oriental Mindoro na kinatawan ni Supervising Labor and Employment Officer Ramezes Torres, at iba pang mga konsernadong grupo at indibidwal.
Bahagi ng programa ang pagpapakilala sa 40 TUPAD beneficiaries na tutulong sa paghahanda ng PGNHS sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng DOLE at DepEd. Bahagi sila ng kabuuang 860 TUPAD beneficiaries na itatalaga sa 43 piling paaralan sa buong Oriental Mindoro upang makatulong sa Brigada Eskwela.
Kasunod nito ay isinagawa ang Pledge of Commitment Signing, na nagsilbing simbolo ng suporta at pakikiisa ng iba’t ibang sektor sa adhikain ng Brigada Eskwela.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni SDS Servando ang pasasalamat sa mga opisyal ng pamahalaan at stakeholders na walang sawang sumusuporta at nakikisa sa kanila.
“Ako po ay humihingi sa inyong lahat ng suporta upang pataasin pa natin ang antas ng pagkatuto ng ating mga bata,” ani SDS Servando.
Patuloy namang hinihikayat ng DepEd ang lahat ng sektor na makiisa sa Brigada Eskwela 2026 sa pamamagitan ng pagbibigay ng oras, serbisyo, at iba pang anyo ng suporta upang matiyak ang mas maayos at mas ligtas na kapaligiran ng mga mag-aaral.
