NAGAGANAP: Ginoo at Binibining Katutubong Mangyan 2026

May 27, 2026 | News by PISD

TALINO AT HUSAY IPINAMALAS SA G. AT BB. KATUTUBONG MANGYAN 2026

27 Mayo 2026, Lungsod ng Calapan – Isinasagawa ang “Ginoo at Binibining Katutubong Mangyan 2026,” isang selebrasyon ng kultura at pagkakakilanlan ng mga katutubong Mangyan sa lalawigan ng Oriental Mindoro na pinangungunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) gabi ng ika-27 ng Mayo.

Layunin nitong mapanatili at maipakilala ang mayamang kultura, tradisyon, at sining ng mga katutubo.

Mula sa 14 na pares, nakuha ang titulo nina Herald Calinoy at Lyca Balombong, kapwa mula sa bayan ng Bulalacao. Maliban sa korona, tumanggap sila ng tig-P15,000 cash prize, sash, bouquet, at crown. Karagdagang tig-P3,000 rin ang kanilang naiuwi matapos tanghaling production number winners, at dagdag pang tig-P3,000 dahil sa kanilang panalo sa Mangyan Attire competition.

Naging bahagi ng patimpalak ang paglalahad ng mga kalahok ng kani-kanilang ng mga adbokasiya para sa pangangalaga ng kultura at karapatan ng Indigenous Peoples (IP).

Samantala, itinanghal na 1st Runner-Up sa male division si Carlo Vasquez mula sa bayan ng Baco, habang si Mary Rose Tupaz ng bayan ng Naujan sa female division.

Sa 2nd Runner-Up naman, nagwagi sa male division si Jonathan Igmedio ng bayan ng San Teodoro at si Charlene Basa ng bayan ng Baco sa female division.

Ang gawain ay bahagi pa rin ng patuloy na pagsusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng mga programang nagtataguyod at kumikilala sa sektor ng mga Katutubong Mangyan bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan at pagkakakilanlan ng Oriental Mindoro.

Nagbigay-suporta sa programa si Sangguniang Panlalawigan Board Member IPMR Lagtum Pasag na isa sa mga pangunahing nagtataguyod ng mga programa para sa mga katutubo.

Sa ngalan naman ni Governor Bonz Dolor, mensahe ni PSWD Officer Zarah C. Magboo ang kagalakang maiparating ang buong-suporta sa sektor. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapalutang at pagpapakita ng kakanyahan ng kultura ng mga katutubo kasabay ng modernisasyon.

Mas makabuluhan ang selebrasyon ngayong taon dahil sa aktibong partisipasyon ng kabataang Mangyan na nagsisilbing bagong mukha ng kultura, pagkakaisa, at pag-asa ng kanilang mga komunidad.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/share/p/18dPDYj9yL/

Scroll to Top