May 26, 2026 | News by PISD

𝐌𝐚𝐧𝐠𝐲𝐚𝐧 𝐈𝐧𝐭𝐞𝐫-𝐌𝐮𝐧𝐢𝐜𝐢𝐩𝐚𝐥 𝐒𝐩𝐨𝐫𝐭𝐬𝐟𝐞𝐬𝐭 𝟐𝟎𝟐𝟔, 𝐛𝐢𝐧𝐮𝐤𝐬𝐚𝐧
26 𝘔𝘢𝘺𝘰 2026, 𝘓𝘶𝘯𝘨𝘴𝘰𝘥 𝘯𝘨 𝘊𝘢𝘭𝘢𝘱𝘢𝘯- Pormal nang binuksan ngayong araw ang Mangyan Inter-Municipal Sportsfest 2026 kung saan nagtipon-tipon ang mga delegasyon ng mga katutubong Mangyan mula sa pitong tribu sa iba’t ibang bayan ng lalawigan para sa tatlong araw na palaro mula Mayo 26 hanggang 28 sa Sentrong Pangkabataan.
Ang Mangyan Inter-Municipal Sportsfest ay simbolo ng pagkilala at pagpapahalaga sa kultura, talento, at ambag ng mga katutubong komunidad na bahagi ng patuloy na pag-unlad ng Oriental Mindoro, na taun-taong itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan.
Pinangunahan ni Gov. Bonz Dolor ang opening ceremony kasama sina Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) at Sangguniang Panlalawigan Board Member Lagtum Pasag, Provincial Social Welfare and Development (PSWD) Officer Zarah C. Magboo, at Office of the Governor-Special Concerns Division Chief Junielo Alcuran.
Naging katuwang naman ng Ama ng Lalawigan si First Lady Hiyas Govinda Ramos Dolor sa ceremonial toss bilang hudyat ng pormal na pagbubukas.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gov. Dolor ang kahalagahan ng patuloy na pagkakaisa, disiplina, at pagpapalakas ng kakayahan ng kabataang Mangyan sa pamamagitan ng sports. Ibinahagi rin niya ang iba’t ibang programang ipinatutupad ng kanyang administrasyon para sa sektor ng mga katutubo, kabilang ang scholarship program para sa mga IP college students at ang pagpapatuloy ng Zero Illiteracy and Innumeracy Program (ZIIP) sa kanilang mga komunidad upang maituro ang pagbasa, pagsulat, at pagbilang.
Nagpahayag din ng buong suporta si Bokal Pasag para sa patuloy na pagsusulong ng mga programang makatutulong sa kapakanan at pag-unlad ng mga katutubong Mangyan.
Inaasahang magtatagisan ng husay ang mga kalahok sa iba’t ibang larong pampalakasan sa loob ng tatlong araw habang higit ding pinatitibay ang samahan, pagkakaisa, at sportsmanship ng bawat delegasyon.
Katuwang sa gawain ang mga lokal na pamahalaang sakop ng mga komunidad ng katutubong Mangyan.
