May 21, 2026 | News by PISD


𝟮𝟬𝟮𝟲 𝗜𝗻𝘁𝗲𝗿𝗻𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝗮𝗹 𝗔𝗜𝗗𝗦 𝗖𝗮𝗻𝗱𝗹𝗲𝗹𝗶𝗴𝗵𝘁 𝗠𝗲𝗺𝗼𝗿𝗶𝗮𝗹, 𝗶𝘀𝗶𝗻𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮
21 Mayo 2026, Lungsod ng Calapan – Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO) sa pagdaraos ng International AIDS Candlelight Memorial 2026 sa Plaza del Gobernador.
Sa temang LIGHT THE LEGACY Remember, Advance, Act “Keeping the Light Alive,” layunin ng gawain ang pag-alala sa mga buhay na nawala dahil sa HIV at AIDS, bigyang-lakas ang mga patuloy na lumalaban, at palawakin ang kamalayan tungo sa isang lipunang may malasakit, pag-unawa, at pagtanggap.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Cielo Angela A. Ante, ang gawaing ito ay pag-alaala ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga pasyenteng pumanaw sanhi ng HIV o AIDS at sa mga pamilyang kanilang iniwan. Hinikayat ni PHO Ante ang bawat isa na maging bahagi ng pagpapalaganap ng tamang kaalaman at impormasyon tungkol sa HIV. Mayroong gamot konta HIV na epektibo at libreng ipinagkakaloob ng Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) sa pamamagitan OMPH – Purple Rain Clinic.
Sa mensahe naman ni PGFPS TWG Chairperson Atty Jean Phebie G. De Mesa, ipinahayag niya ang buong suporta sa naturang adbokasiya. Aniya, bahagi ang reproductive health ng GAD advocacy ng Pamahalaang Panlalawigan.
Nakiisa at nagbigay ng kanilang suporta sa adbokasiyang ito ang mga kinatawan mula sa BFP-MIMAROPA, BJMP, PCG, PNP PRO-MIMAROPA Regional Medical and Dental Unit, mga myembro ng Provincial GAD Focal Point System TWG, at mga kawani ng PHO.
